September 01, 2026

Home BALITA National

Talak ni Rep. Perci: Naging North Luzon Express Lake na NLEX, wala pa ring toll suspension!

Talak ni Rep. Perci: Naging North Luzon Express Lake na NLEX, wala pa ring toll suspension!
Photo courtesy: Akbayan Rep. Perci Cendaña/FB, NLEX Corporation/FB


Tila nagsermon si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña matapos ang kawalan ng suspensyon ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) sa kabila ng aniya’y pagiging “Naging North Luzon Express Lake” nito.

Sa Facebook post na ibinahagi ni Rep. Cendaña nitong Martes, Setyembre 1, idiniin niyang hindi biro ang halagang ibinabayad ng mga motorista para sa nasabing toll fee.

“Naging North Luzon Express Lake na ang NLEX pero wala pa ring toll suspension. Anong binabayaran ng mga motorista dun? Water ride sa theme park?” saad ni Rep. Cendaña.

Aniya, “Hindi birong halaga ang binabayaran sa toll fee ng mga motorista. As long as may sections na non-passable, dapat suspended ang collections.”

Giit ng kongresista, hindi na raw dapat sinisingil ang nasabing fee kung hindi naman garantisado ang kaligtasan ng mga biyahero sa madadaanang kalye.

“Dapat hindi na sila [sinisingil] kung hindi naman kayang igarantiya na ligtas ang kanilang madadaanan,” anang kongresista.

Sa pahayag naman ng Palasyo nito ring Martes, iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nasa NLEX daw dapat manggaling ang kautusan hinggil sa proposal na libreng toll fee.

“Siguro bago po magmungkahi ang Pangulo, alam naman po ng NLEX kung ano’ng nangyari dito, at ano ang kanilang responsibilidad; dapat sa kanila manggaling ang kautusan na ‘to,” ani Usec. Castro.

MAKI-BALITA: Palasyo, sinabing 'wag muna dumaan sa NLEX kung traffic-Balita

Samantala, wala pang pahayag o komento ang pamunuan ng NLEX hinggil sa usaping ito.