Sinabi ng Malacañang sa mga motorista at biyahero na huwag na muna nilang daanan ang North Luzon Expressway (NLEX) kung hindi naman sila makalulusot.
Tahasan itong inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Martes, Setyembre 1, nang matanong hinggil sa umano’y mga proposal na ilibre muna ang toll fee sa nasabing expressway.
“‘Yong stranded doon? Libre? Ba’t ka pa papasok kung traffic na? Huwag mo nang gamitin muna. I mean, ‘di ba? For the meantime, huwag na muna kayong dumaan doon kasi kung hindi naman din siya makakalusot,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “So, ano’ng purpose ng libre? Hindi, tanong ko lang. Magandang adhikain ‘yong libre pero kung ililibre natin, ‘di ba mas maraming sasakyan na papasok. So, ‘pag maraming papasok na sasakyan, mas lalong magkakaroon ng traffic. So, dapat nga iwasan nila muna ‘tong NLEX.”
Giit pa ng press officer, dapat daw ay sa NLEX manggaling ang kautusan hinggil sa mga naturang proposal kaugnay sa toll fee.
“Siguro bago po magmungkahi ang Pangulo, alam naman po ng NLEX kung ano’ng nangyari dito, at ano ang kanilang responsibilidad; dapat sa kanila manggaling ang kautusan na ‘to,” anang press officer.
Natanong din si Usec. Castro kung wala bang naiisip si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na instructions sa Toll Regulatory Board (TRB) upang patawan ng “sanctions” ang pamunuan ng NLEX.
“Kahapon po ay napag-usapan ang problemang ‘yan, pero hindi napag-usapan kung ano mang sanction. Ang nasa proposal po ng Pangulo ay paano po matutulungan ‘yong mga naipit nating mga kababayan sa NLEX,” aniya.
“Most probably, ‘pag ka nakausap ko ang Pangulo ay itatanong ko po ‘yan dahil hindi po sa ngayon ang pag-sanction ang inuuna ng Pangulo kundi ang kaginhawaan ng ating mga motorista,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Matatandaang nakaranas ng napakatinding trapiko ang maraming motorista sa NLEX, sa bahagi ng San Simon, Pampanga, bunsod ng malawakang baha sa malaking parte ng lalawigan.