Pinabulaanan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Col. Manaros Boransing II na nakatanggap umano ang kanilang ahensya ng pondo mula sa confidential o intelligence funds ng Department of Education (DepEd) noong 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Sa naging interjection ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa testigong si Boransing sa ika-20 na araw ng Senate impeachment trial nitong Martes, Setyembre 1, 2026, kinuwestiyon ng senador kung ang AFP ba raw ang pangunahing humahawak sa mga programa nilang Youth Leadership Summit (YLS) at Information Education Communication (IEC) campaigns.
Urirat pa ni Hontiveros, karaniwan ba raw na programa ng AFP ang mga nabanggit na aktibidades at kung nagmumula ang pondo nito sa ahensya mismo ng sandatahan at ng Local Government Units (LGUs).
Paglilinaw naman ni Boransing, “I cannot comment on that, Your Honor. I can only say that there were no funds released to the 1st Infantry ‘Tabak’ Division in 2023 from DepEd.”
Giit naman ni Hontiveros, kinukumpirma ba umano ni Boransing na ginamit ng DepEd ang sertipikasyon ng AFP bilang pagpapatunay umano sa paggastos ng naunang nabanggit na ahensya sa confidential o intelligence funds nito noon.
“Pero kayo po mismo, Colonel, may sinabi po ba kayo sa certification ninyo kung magkano diumano ang ginastos ng DepEd para doon sa activities ng Philippine Army?” ani Hontiveros.
Tugon naman ni Boransing, “Your Honor, there was no mention of any funds in this certification that we issued.”
Pahabol naman ng senador, “Bilang signatory noong inyong certification, pinapatotohanan n’yo ba na tama ang paggamit ng DepEd sa kanilang confidential and intelligence funds?”
“No, Ma’am, the certification was DepEd and other stakeholders participation in the Youth Leadership Summit and the Information Education Communication Campaign,” ‘ika ni Boransing.
Batay sa pagkuwestiyon ni Hontiveros, inihayag ni Boransing na wala raw siyang pinapatotohanan sa mga nagastos na confidential o intelligence funds ng DepEd noon sa mga naging programa ng AFP.
“Wala po kayong nalalaman tungkol sa paano ginastos ng Department of Education ang kanilang confidential and intelligence funds dito sa YLS at IEC campaign activities ng Philippine Army,” saad ni Hontiveros.
“Yes po, Your Honor. I do not have any personal knowledge,” pagtitiyak naman ng testigo.
Kaugnay ito sa umano’y ₱15.54 milyong nagastos sa confidential funds ng DepEd bilang “reward” umano sa programang ikinasa ng AFP noon.
KAUGNAY NA BALITA: 'It was an AI!' Escudero, nilinaw na walang suot na 'earpiece' si Ortonio