Isa pang Barzaga ang umakyat sa mas mataaas na puwesto matapos masungkit ni Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga ang puwestong binakante ng kaniyang anak sa Kamara na si dating Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga.
Sa pag-akyat ni Jenny sa Kamara, ang isa pa niyang anak na si Vice Mayor Third Barzaga ang nakatakdang sumalo bilang alkalde sa Dasma.
Nanalo si Barzaga nang may malaking lamang matapos makakuha ng 201,893 boto mula sa kabuuang 258,371 balotang ibinoto sa isinagawang special elections nitong Sabado.
Pumangalawa si dating vice mayor Raul Rex Rosario Mangubat na nakatanggap ng 30,373 boto, sinundan ni dating konsehal Jacinto Frani Jr. na may 24,350 boto, Marvin Dupal-ag na may 1,184 boto, at Leysander Ordenes na nakakuha ng 561 boto.
KAUGNAY NA BALITA: Barzaga pa rin! Ermats ni Kiko Barzaga, waging kongresista sa Cavite
Noong taong 1998 nang magsimulang hawakan ng pamilya Barzaga ang Dasma matapos na mailuklok noon ang asawa ni Jenny na si Pidi Barzaga. Nanungkulan siya bilang alkalde sa naturang lugar hanggang 2007.
Taong 2007 hanggang 2016 nang palitan ni Jenny ang kaniyang mister bilang alkalde ng lungsod matapos umupo si Pidi sa Kamara.
Habang noong 2016 hanggang 2019 nang muli silang magpalitan ng puwesto sina Jenny at Pidi; si Jenny ang umupo noon sa Kamara habang si Pidi ang bumalik na alkalde.
Muling nahalal si Jenny bilang alkalde noong 2019 na may huling termino na ngayong 2026 habang si Third naman ang kaniyang naging Vice Mayor. Naluklok naman sa Kamara ang anak niyang si Kiko noong Hunyo 2025 at tuluyang napatalsik noong Hunyo 2026.