August 29, 2026

Home BALITA National

Matapos bumaba kagutuman sa bansa: DSWD, patuloy pagpapalawak sa food security, access

Matapos bumaba kagutuman sa bansa: DSWD, patuloy pagpapalawak sa food security, access
Photo courtesy: DSWD, MB


Inilahad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy nilang palalawigin ang kanilang mga programa para masiguro ang food security at food access sa bansa.

Kasunod ito ng pagbaba ng antas ng kagutuman sa Pilipinas, batay sa inilabas na datos ng Social Weather Station (SWS) noong Lunes, Agosto 24.

Base sa kanilang ulat, bumaba sa 20.3% ang “hungry rate” sa bansa nitong Hunyo 2026; mas mababa kung ikukumpara sa naitalang 23.2% noong Marso 2026.

MAKI-BALITA: Kagutuman bumaba sa NCR, Balance Luzon, Visayas; tumaas sa Mindanao!—SWS-Balita

Sa pahayag na inilabas ng DSWD nitong Biyernes, Agosto 28, sinabi nilang ang pagpapalawig sa malawakang access at seguridad sa pagkain ay nakaayon sa mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“Magandang balita! Bumaba sa 2.9% o tinatayang 3.4 milyong Pilipino ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng gutom nitong Hunyo 2026, ayon sa second quarter survey ng Social Weather Stations (SWS). Ibig sabihin, mas kaunting pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan,” saad ng DSWD sa kanilang pahayag.

Anila, “Kasabay ng mga positibong pagbabagong ito, patuloy na isinusulong ng DSWD ang Walang Gutom Program (WGP) at Walang Gutom Kitchen para matiyak ang mas malawak na access sa pagkain ng mga pamilyang higit na nangangailangan.”

“Ito ay batay sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang mga programa sa food security para masiguro na ang bawat pamilyang Pilipino ay may sapat at masustansyang pagkain sa kanilang hapag,” dagdag pa ng ahensya.

Maliban sa pagtiyak ng food security at access, patuloy din ang paghahanda at pamamahagi ng DSWD ng tulong para sa mga pamilyang apektado ng mga nagdaang weather systems mula sa iba’t ibang panig at rehiyon ng bansa.

Tuloy-tuloy ang pamimigay nila ng libo-libong family food packs (FFPs), ready-to-eat food (RTEF) boxes, at non-food items (NFIs).