Inanunsyo ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na magsasagawa ang NCSC - National Capital Region (NCR) ng isang malawakang cash gift distribution para sa mga kwalipikadong senior citizen, simula sa darating na Miyerkules, Setyembre 2.
Kaugnay ito sa direktibang ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na agarang resolbahin ang napaulat na delayed distribution ng nasabing cash gift, na aabot sa ₱10,000 sa edad 80, 85, 90, at 95 taong gulang.
MAKI-BALITA: PBBM, ipinag-utos agarang pagresolba sa isyu ng delayed ₱10k cash gift sa senior citizens-Balita
Sa anunsyong ibinahagi ng NCSC sa kanilang Facebook page noong Huwebes, Agosto 27, sinabi nilang nakaayon ang tugon na ito sa direktiba ni PBBM, at sa Expanded Centenarians Act.
“Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakatakdang magsagawa ang National Commission of Senior Citizens–National Capital Region (NCSC-NCR) ng malawakang cash gift distribution simula September 2, 2026,” saad ng NCSC.
Giit nila, “Layunin nitong mapabilis ang pamamahagi ng cash gift sa mga kwalipikadong senior citizens na edad 80, 85, 90, 95, at 100, alinsunod sa Expanded Centenarians Act.”
Batay naman sa pahayag ni NCSC Chairperson at Chief Executive Officer (CEO) Atty. Ma. Merceditas N. Gutierrez, patuloy ang pag-aksyon ng komisyon para sa pangangailangan ng mga senior citizen.
“Ang bawat senior citizen na kwalipikado sa cash gift ay dapat mapaglingkuran nang mahusay at may dignidad. Sa kabila ng mga hamon, patuloy na kikilos ang NCSC kasama ang mga LGUs, volunteers at iba bang katuwang upang matiyak ang tamang serbisyo,” ani Gutierrez.
Anang komisyon, aabot na sa halagang ₱1.9 bilyon ang naipamahagi ng NCSC sa 179,529 senior citizens, as of noong Miyerkules, Agosto 26, 2026.
“Bagama’t nananatiling hamon sa ahensya ang kakulangan sa bilang ng mga tauhan, limitadong resources gaya ng mga sasakyan, at kakulangan sa budget para sa operations, tinitiyak ng NCSC na responsable nitong nagagawa ang mga kinakailangang hakbang upang maipamahagi ang cash gift sa mga kwalipikadong benepisyaryo nang mabilis, maayos, at naaayon sa mga itinakdang alituntunin,” pagtitiyak ng NCSC.
Ipinaliwanag ng NCSC ang kwalipikasyon pagdating sa pamimigay ng cash gift sa senior citizens, depende sa kanilang milestone ages, na nasasaad sa Expanded Centenarians Act.
“REPUBLIC ACT NO. 11982: Cash Gift Benefits for Octogenarians, Nonagenarians, and Centenarians. ‘All Filipinos, whether residing in the Philippine or abroad, upon reaching the age of one hundred (100) years old, shall receive a cash gift of One hundred thousand pesos (₱100,000.00) and a letter of felicitation from the President of the Philippines congratulating the celebrant for his or her longevity,’” saad ng NCSC.
“‘All Filipinos, whether residing in the Philippines or abroad, upon reaching the ages of eighty (80), eighty-five (85), ninety (90), and ninety-five (95), shall each receive a cash gift of Ten thousand pesos (₱10,000.00)’,” dagdag pa nito.