Binira ng House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na “tanga” na lang umano ang mga maniniwala sa ₱16 milyon bawat kuwarter na expenses sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Sa naging pahayag ni Ridon sa ikinasang press conference ng prosecution nitong Martes, Agosto 25, 2026, nagpatutsada siyang nahuli raw siya sa naturang pagpupulong dahil hinanap pa umano niya kung saan napunta ang sinasabing mga safehouses na pinaglaanan ng confidential funds ng OVP.
“Paumanhin po dahil nahuli ako kasi hinahanap ko ‘yog safehouse kung saan napunta. Kasi up until today, hindi naipapaliwanag kung bakit ganoon kalaki ‘yong safehouses na perang ginastos para doon,” pagsisimula niya.
Ani Ridon, ₱16 milyong bawat kuwarter umano ang pinag-uusapang halaga na nagasta sa confidential funds ng OVP dahil daw sa pag-upa sa mga eksklusibong subdibisyon sa Forbes Park at Dasmariñas Village, hanggang sa mga mamahalin daw na condominium sa Bonifacio Global City (BGC) at Makati.
“‘Yong perang pinag-uusapan, ₱16 million every quarter. Alam ninyo, ‘yong pinag-uusapan na natin na presyo nitong safehouses na ito, pag-upa ng mga bahay mula sa mga pinaka-exclusives na subdibisyon dito sa Pilipinas katulad ng Forbes Park, Dasmariñas Village, pinakamahal na condominium sa loob ng Bonifacio Global City, at ng Makati,” anang prosecutor.
Tirada pa niya, “‘Yan ‘yong level ng safehouses price na pinag-uusapan natin. I’m quite certain, hindi ganiyan ‘yong mga ibinibigay, binabayad na safehouses noong mga security sector natin na merong mga confidential fund.”
Diin ni Ridon, tila raw nahuli nilang nilalaro ng OVP noon ang mga dokumento tungkol sa naturang isyu batay sa narinig nilang pahayag sa testigong Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng OVP na si Lemuel Ortonio nitong Martes.
“To repeat what Mr. Ortonio what has been saying… based on the documents huli na naman po sila na nilalaro na naman nila itong mga dokumento na ito. Hindi natin ‘yan palalagpasin,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Ridon, tanga na lang daw ang maniniwala sa safehouses expenses ng OVP at tiniyak niyang hahabulin daw nila hanggang sa huli ang lenteng ito.
“₱16 million, every quarter on different days. Tanga ka na lang kung maniniwala ka doon sa paliwanag na mag-aabot-abot ‘yong ganoong presyo kapag mga araw ‘yong pinag-uusapan na magkaiba,” saad niya.
“Hahabulin namin ‘yan hanggang pinakadulo,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Atty. Mae Divinagracia ng prosecution?