Mariing itinanggi ng beteranang talent manager na si Shirley Kuan ang alegasyong “cash cow” niya ang aktres na si Bea Alonzo, at iginiit na hindi nakasalalay sa dating alaga ang kaniyang kabuhayan.
Sa media conference nitong Lunes, Agosto 24, sinabi ni Kuan na nakainsulto para sa kaniya ang ganitong paglalarawan, lalo na’t mahigit tatlong dekada na siyang nasa industriya ng entertainment at marami pa siyang ibang artistang hinahawakan.
“I just wanna make this clear, ha. Bea did not make me rich nor will she make me poor. So stop calling her my cash cow. I have bigger stars that I’m handling who are busier than her.”
Isinagawa ang mediacon para klaruhin ang bali-balitang pagbibitiw niya bilang talent manager ni Bea.
Mariing ipinunto ni Shirley na hindi siya umaasa sa iisang artista lamang para kumita. Kabilang sa iba pa niyang hinahawakang personalidad sina Helen Gamboa, Albert Martinez, Hilda Koronel, Donna Cruz, Agot Isidro at panghuling nadagdag si Andrea Brillantes.
Ipinaliwanag ni Kuan kung bakit labis siyang nainsulto sa paratang na mawawalan siya ng kabuhayan dahil wala na sa kaniyang management si Bea.
“I find that very insulting, ha. Parang tingin nila sa akin pulubi, di ba? Na parang pag wala na si Bea sa akin, magugutom na ako.”
Iginiit din niya na sa mahigit 30 taon niya sa showbiz, wala siyang alam na artistang makapagsasabing nagutom siya, nanghingi ng pera o nandaya sa talent fee ng kaniyang mga alaga.
“Meron ba ako... meron bang magsasabi sa inyo na nagutom ako or nangharbat ako ng pera or I cheated my artist out of their talent fee?" saad ni Shirley.
Ang “cash cow” ay isang English idiom na tumutukoy sa tao, negosyo, produkto, o proyekto na patuloy at malaki ang naibibigay na kita o benepisyo sa isang tao.
Sa konteksto ng sinabi ni Shirley Kuan tungkol kay Bea Alonzo, kapag tinawag na “cash cow” si Bea, ang ibig sabihin ay si Bea umano ang pangunahing pinagkukunan o malaking pinagkukunan ng kita ni Kuan.
Bukod dito, nilinaw rin ni Shirley na wala siyang kinalaman kaya hindi natuloy ang kasal ni Bea sa fiance nitong si businessman Vincent Co, at wala rin siya aniyang alam sa mga nakasaad sa prenuptial agreement.
Sa kabila nito, sinabi ni Kuan na maayos naman ang naging pagtatapos ng kanilang professional relationship ni Bea. Nagkasundo umano silang magkaroon ng smooth transition sa pamamahala sa career ng aktres, at tinapos pa ni Kuan ang isang huling deal para sa dating alaga.
Samantala, ang writer-driector na si Chris Cahilig na umano ang nagsisilbing interim manager ni Bea kasunod ng pag-alis niya.
Habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa direktang tumutugon si Bea sa mga pahayag ng dating talent manager sa naturang media conference.
Maki-Balita: Shirley Kuan, binasag katahimikan; bakit 'nilayasan' alagang si Bea Alonzo?