August 25, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Shirley Kuan, binasag katahimikan; bakit 'nilayasan' alagang si Bea Alonzo?

Shirley Kuan, binasag katahimikan; bakit 'nilayasan' alagang si Bea Alonzo?
Photo courtesy: Screenshot from PEP/via MB

Tuluyan nang binasag ng batikang talent manager na si Shirley Kuan ang tungkol sa kumakalat na tsikang pagbibitiw niya bilang talent manager ni Bea Alonzo, matapos ang halos anim na taon ng kanilang professional relationship, simula nang lumipat ang aktres sa GMA Network.

Sa isinagawang media conference noong Lunes, Agosto 24, ipinaliwanag ni Shirley ang mga naging dahilan ng kaniyang desisyon, kabilang ang mga kontrobersiyang nag-ugnay sa kaniya sa naudlot na kasal sana nina Bea at fiance niyang si businessman Vincent Co sa Spain, pati ang isang insidenteng tinukoy niyang naging “last straw" kung bakit tuluyan na nga niyang nilayasan ang alaga.

Matatandaang naging publiko ang pag-alis ni Kuan kay Bea noong Agosto 23, bagama’t epektibo na umano ang kaniyang resignation noong Agosto 11. Nagsimula ang manager-talent relationship ng dalawa noong 2020, matapos umalis ni Bea sa Star Magic.

Ang Star Magic ay talent arm management ng ABS-CBN, na naging home network naman ni Bea sa loob ng dalawang dekada, na nagpasikat sa kaniya nang husto dahil sa mga teleserye at pelikulang ginawa niya rito.

‘Last straw’ ang pagkaka-disinvite sa isang event

Ayon kay Shirley, sunod-sunod na insidente ang nagtulak sa kaniya upang tuluyang magbitiw, ngunit ang pinakahuling pangyayari ang naging tinatawag niyang “last straw.”

Tsika at Intriga

'Hindi po dahil nakabili tayo ng ticket, atin na rin ang concert!'—Ice Seguerra

Isang event na siya mismo ang tumulong makuha para kay Bea ang tinutukoy niya. Aniya, matapos niyang isara ang deal at makipag-ugnayan sa kliyente para sa event, sinabihan siyang hindi na siya imbitado.

“I was told by the client that I'm disinvited.”

Sinabi ni Kuan na hindi man siya nagalit, hindi niya maikakailang nasaktan siya sa nangyari.

“I'll be a hypocrite if I tell you I'm not offended.”

Para sa talent manager, hindi niya matanggap ang sitwasyon dahil wala naman umano siyang ginawang mali.

“This has never been done to me. I don't have a sin, what have I done?”

Ayon sa kaniyang salaysay, nang malaman niyang hindi na siya maaaring dumalo sa event noong Agosto 10, kinausap niya si Bea kinabukasan at doon niya sinabi na magbibitiw na siya.

“As of this very moment and as of this very day, I am no longer your manager.”

Itinanggi ang pagkakasangkot sa naudlot na Spain wedding

Isa rin sa mga naging sentro ng media conference ang mga alegasyong may kinalaman umano siya sa hindi natuloy na pagpapakasal nina Bea at Vincent sa Spain.

Mariing itinanggi ito ng talent manager at pinabulaanan ang mga bintang na siya ang "meddler" kung bakit hindi natuloy ang kontrobersyal na church wedding.

Sinabi niyang mayroon siyang mga dokumento at ebidensiya na maaari niyang gamitin upang patunayang wala siyang naging papel sa pagkansela ng kasal.

Sa katunayan nga raw, ninang pa siya sa kasal at gumastos na rin ng malaking halaga para sa plane ticket para lang makadalo sa nabanggit na kasal. Gumastos din umano siya ng halos ₱700,000 para sa kaniyang biyahe at accommodation, dahil ang pinili raw niyang ruta ay mula sa Maynila patungong US, at mula sa US naman ay patungong Spain.

Mariing pinabulaanan ng talent manager na may kinalaman siya sa pagkakaudlot ng kasal ng alaga, at pinagdiinang hindi raw siya nakikialam sa mga personal na desisyon ni Bea.

“Meron akong resibo, kung gusto niyong malaman, I can prove na hindi ako kasali diyan.”

Ipinaliwanag din niyang siya ang nagpadala sa ilang wedding guests ng mensahe tungkol sa pagkansela ng Spain wedding, ngunit ginawa lamang niya ito matapos siyang hilingan ni Bea at matapos ibigay sa kaniya ang mensaheng binuo mismo ng aktres, ayon sa business partner nitong si Bea Secosana.

Hindi raw dinepensahan ni Bea

Aminado rin ang talent manager na nasaktan siya nang magpatuloy ang mga espekulasyon na siya ang dahilan ng pagkansela ng kasal kahit nanatili siyang tahimik.

Aniya, pinili niyang huwag magsalita dahil nangako siya kay Bea na hindi niya ilalabas sa publiko ang kanilang mga personal na usapin.

Ngunit kalaunan, naramdaman niyang kailangan na niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili.

“I said, ‘Bea, you never defended me. You didn't defend me.’”

Nilinaw naman ng talent manager na hindi niya hinihingi na gumawa si Bea ng pampublikong pahayag, dahil alam niyang hindi mahilig sa media interviews ang aktres.

Gayunman, nais sana niyang kahit pribado ay maitama ang mga maling impormasyon tungkol sa kaniyang pagkakasangkot.

“Even privately, you could have told whoever that is the truth.”

Sa isa pang pahayag, sinabi niyang pinanghawakan niya ang kaniyang pangako kay Bea hanggang sa dumating ang puntong pakiramdam niya ay wala na siyang ibang pagpipilian.

“I was given no choice but to defend myself because enough is enough.”

Cash cow daw si Bea

Mariin ding pinabulaanan ni Kuan ang alegasyong tutol siya sa relasyon o pagpapakasal ni Bea kay Vincent dahil mawawala sa kaniya ang malaking pinagkakakitaan.

Tinukoy niya ang kaniyang mahigit tatlong dekada sa industriya at ang iba pa niyang hinahawakang artista na mas busy pa raw sa aktres.

“Bea did not make me rich nor will she make me poor.”

Aniya, nakainsulto sa kaniya ang pagtawag kay Bea bilang kaniyang “cash cow,” lalo na't matagal na siyang nagtatrabaho bilang talent manager at mayroon pa siyang ibang artists na hinahawakan.

Sa halip, sinabi ni Kuan na gusto niyang maging masaya si Bea at magkaroon ng sariling pamilya.

“I want her to have a family. I want her to settle down.”

Tungkol sa prenup nina Bea at Vincent

Nilinaw rin ni Shirley na alam niyang may prenuptial agreement sina Bea at Vincent, ngunit itinanggi niyang may naging papel siya sa mga nilalaman nito.

Ayon sa kaniya, minsan siyang nakipag-usap kina Bea, sa ina nito at sa isang abogado tungkol sa prenup, ngunit wala pa umanong napagkasunduang dokumento noon.

Sinabi rin niyang hindi niya nakita ang mismong dokumento at hindi niya alam ang mga probisyong nakapaloob dito.

“Not even the shadow of it, not even one sentence of that prenup, did I see.”

Maayos umano ang pagtatapos ng kanilang manager-talent relationship

Sa kabila ng mga kontrobersiyang nakapaligid sa kaniyang pagbibitiw, sinabi ni Shirley na hindi naman masama ang naging pagtatapos ng kanilang professional relationship ni Bea.

Ayon sa kaniya, nagkasundo silang panatilihing maayos ang transition sa pamamahala sa showbiz career ng aktres at tinapos pa niya ang isang huling deal para kay Bea.

May isa rin siyang payo kay Bea sakaling dumating ang pagkakataong kailangan nitong mamili sa pagitan niya at ng asawa nitong si Vincent.

“Always choose your husband.”

Samantala, ang direktor at writer na si Chris Cahilig na ang nagsisilbing interim manager ni Bea kasunod ng pag-alis ni Shirley.

Hindi pa nagbibigay si Bea ng direktang tugon sa mga pahayag ng dating talent manager sa naturang media conference.

Maki-Balita: Talent manager ni Bea Alonzo, kumpirmadong nag-resign na