Kinuwestiyon ni Presiding Officer Chiz Escudero ang umano'y mabilisang paggastos ng ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa loob ng 11 araw noong huling quarter ng taong 2022.
Sa Day 18 ng impeachment trial nitong Martes, Agosto 25, nakasalang bilang hostile witness si OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, kung saan tinalakay ang umano'y maling paggamit ng confidential funds.
PAGGASTOS NG ₱125 MILYON SA LOOB NG 11 ARAW
Sa isang liquidation report, kinumpirma ni Ortonio na nagamit ang naturang halaga ng pondo sa loob ng 11 araw.
Ito ay dahil late na na-release ang hiling nilang confidential funds para sa huling quarter ng 2022, Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.
Ayon kay Ortonio, nakuha nila ang ₱125 milyong pondo noong Disyembre 20, at nagamit hanggang Disyembre 31.
Dito ay kinuwestiyon ni Escudero kung bakit kailangang madaliin ang paggastos ng pondo kung gayong "good for two years" ang paggamit nito.
"Bakit ba kailangang madaliin 'yan? Hindi ba ang budget ay good for two years? The budget, the GAA, is good for two years. So why was there a need to implement it within the year?" tanong ng presiding officer.
Sagot ni Ortonio, ang hiniing nilang pondo ay para sa "specific year 2022."
"Because, your honor, the request was made for the specific year which is 2022," anang hostile witness.
"At dahil nga ang plano n'yo ay for the last quarter of 2022," saad naman ni Escudero.
Matatandaang inilahad ni dating state auditor sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) na si Atty. Roderick Wamil, sa ika-11 araw ng impeachment trial noong Agosto 3, ang tungkol sa paggasta noon ng OVP ng ₱125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw.
Aniya, nakalaan sana umano ang ₱125 milyong confidential funds ng OVP para sa buong durasyon ng ikaapat na quarter ng 2022.
“Ang napansin ko lang dito ay ‘yong period cover na December 21 to 31, 2022. Since the cash advance po supposedly for the fourth quarter of the 2022 of the OVP,” pagsisimula niya.
Paglilinaw naman niya, “Other than that, the document is compliant naman with the requirement of the Joint Circular 2015-01.”
Ayon pa kay Wamil, nakasaad daw kasi sa physical at financial plan sa cash advance noon ng OVP na dapat nila itong gastusin sa loob ng buong ikaapat na kuwarter ng 2022, pero lumabas daw sa dokumento na naubos ang naturang halaga ng confidential funds ng OVP sa loob lang ng 11 araw.
Maki-Balita: Ex-COA state auditor, napansin 11-araw na paggasta ng OVP sa ₱125M confidential funds!