Nasangkot na naman sa kakaibang insidente ang Women's National Basketball Association (WNBA) matapos na isang sex toy ang ihagis sa loob ng court habang ginaganap ang laban ng Atlanta Dream at Los Angeles Sparks.
Naganap ang insidente sa third quarter ng laro kung saan nagwagi ang Dream, 124-88, laban sa Sparks.
Nasa free-throw line noon ang forward ng Los Angeles na si Jihyun Park nang biglang ihagis ang berdeng sex toy sa harap ng bench ng kanilang koponan.
Agad na pinahinto ng referee ang laro habang mabilis namang itinuro ni Dream forward Angel Reese ang umano'y naghagis mula sa kaniyang kinauupuan sa bench.
Kinuha ng arena security ang bagay at agad ding inaresto ang manonood na itinurong responsable sa insidente.
Sa video na kumalat online, makikitang sinubukan pa ng suspek na makalabas ng arena matapos siyang matukoy, ngunit mabilis itong napigilan ng mga pulis.
Gayunman, matapos ang insidente ay pinalaya rin ang suspek. Hindi naman inilabas ng liga ang pagkakakilanlan nito o ang detalye kung may kasong isinampa laban sa kaniya.
Bukod sa pagkakaaresto, pinatawan din siya ng lifetime ban sa event ng WNBA, NBA at mga kaakibat nitong liga.
Ayon sa source na pamilyar sa insidente, nakikipagtulungan ang WNBA sa mga awtoridad upang mapanagot ang mga taong maghahagis ng anumang bagay sa court.
Hindi na rin bago sa WNBA ang ganitong pangyayari. Noong Hulyo 2025, ilang laro sa Atlanta, Chicago, New York, Phoenix at Los Angeles ang nakaranas ng paghahagis ng sex toys sa court.
Maki-Balita: Basketball game ng kababaihan, pinauulanan ng d*ldo; players, yamot na!
Dalawang indibidwal ang naaresto noon at iniugnay sa isang cryptocurrency money-making scheme na sinasabing may kinalaman sa sunod-sunod na insidente.