Pinatutsadahan ng House prosecutor na si Bicol Saro Rep. Terry Ridon si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador “Sal” Panelo na natutulog lang daw ito sa ilang mga panahon sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging tirada ni Ridon sa ikinasang online press conference ng Kamara nitong Biyernes, Agosto 21, 2026, tinabla niya ang pahayag ni Panelo na “useless” o “worthless” umano ang isinasalang na mga testigo ng prosecution.
Ani Ridon, hindi raw niya masisiguro kung anong bahagi ng impeachment trial ang tinutukoy ni Panelo dahil tulog daw ito sa ilang mga panahon ng paglilitis.
“Una sa lahat, hindi ako sure kung anong bahagi ‘yong na-monitor niya kasi may mga panahon na tulog siya doon sa kaniyang araw-araw na pagpunta sa paglilitis,” pagsisimula niya.
Depensa ni Ridon, nakikita naman daw nilang pantay ang pagtrato ni presiding officer Senator-Judge Chiz Escudero sa paggulong ng naturang paglilitis laban sa bise presidente.
“Pangalawa, tingin ko naman po, naging very fair ang ating presiding officer dito sa kaniyang pagpapatakbo nitong paglilitis na ito,” aniya.
Paglilinaw ni Ridon, napupunto naman daw ng iba’t ibang mga isinasalang nilang testigo ang mga usapin at alegasyon laban sa bise presidente.
“May panahon para mag-object talaga ‘yon pong depensa sa mga inilalatag ng prosecution. And ‘yong prosecution witnesses, tingin ko in most part, naipapakita talaga nila ‘yong iba’t ibang facets,” saad niya.
Partikular umano sa inilahad ng mga testigo mula sa Commission on Audit (COA), Office of the Vice President (OVP) personnel, National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang mga nakatakdang witness sa susunod na mga linggo.
Pagpapatuloy ni Ridon, kumpiyansa umano sila sa mga inilalatag nilang testigo sa impeachment trial at inaasahan nilang magpapatuloy umano ito hanggang sa dulo ng kanilang presentasyon.
“Tingin ko, we are much confidence doon sa pagkakapresenta ng aming mga testigo and we are expecting the same until the very end,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang nagiging tugon, reaksyon, o pahayag si Panelo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Prosecution, pabor sa 4 na araw kada linggo na impeachment trial vs VP Sara