Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa social media giant na Meta na mas paigtingin ang pananagutan nito sa mga mapanganib na content na kumakalat sa mga platform nito, partikula sa naganap na malagim na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Martes, Agosto 18.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na kaniyang pinamumunuan, kasama ang Senate Committees on Science and Technology at Basic Education.
Sinisiyasat ng mga senador ang magkakaugnay na isyu sa mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Zamboanga at Tacloban, kabilang ang posibleng papel ng social media, online platforms at online communities sa pagkalat ng mapanganib na materyal at posibleng radicalization ng kabataan.
Sa pagdinig, sinabi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na nai-report sa Meta ang livestream ng pamamaril sa Zamboanga ilang minuto matapos itong matukoy, ngunit nanatili pa rin umano online ang video bago tuluyang maalis.
Ayon sa CICC, wala itong direktang hurisdiksiyon sa mga social media, gaming, messaging at streaming platform para agad na ipatanggal ang naturang content.
Dahil dito, binatikos ni Hontiveros ang Meta dahil hindi umano dapat iasa lamang sa CICC ang responsibilidad sa pagtugon sa mapanganib na content.
Ipinagdiinan ng senadora na dapat ang pamunuan ng Meta ang "maglinis ng mga kalat o basura" na nakikita sa kanilang platforms.
“Meta itself has to do better. Anlaki ng pakinabang nila sa platform na ’yan. Hindi nila dapat hayaan na ang mga nagpapa-viral sa ganiyang klaseng content, or worse, mga maligned actors na gumagamit ng ganiyang klaseng content para sa serious violence, o para pa sa NVE in other cases, ay magamit ito," anang Hontiveros.
"So, wala man dito physically ang Meta, nag-ko-call out ang komite sa kanila. You have to do better. Yung kalat n’yo, yung basura n’yo sa inyong powerful platform, linisin n’yo. Huwag n’yong iwan lahat sa CICC," aniya pa.
Ang Meta Platforms, na dating kilala bilang Facebook, Inc., ay nagmamay-ari at namamahala sa ilan sa mga pinakasikat na social media at messaging platforms sa buong mundo. Kabilang dito ang Facebook, Instagram, WhatsApp, Messenger, at Threads.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang pamunuan ng Meta tungkol sa mga naging pahayag ng senadora.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Opisyal na naganap sa AdZU school shooting incident batay sa PNP!