Tinabla ni dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Atty. Rowena Guanzon ang naging pagdawit umano sa kaniya ni retired Marine TSgt. Orly Guteza sa recantation nito sa mga nauna nitong affidavit na nagdala umano ang huli ng mga male-maletang pera kay Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
Kumalat sa mga balita ang recantation na ito ni Guteza, gabi noong Miyerkules, Agosto 19, 2026, tungkol sa kaniyang bagong affidavit na nakapetsa noong Agosto 13 at isiniwalat niyang nadala lang umano siya sa mga matatamis na salita nina Sen. Rodante Marcoleta at dating mambabatas na si Mike Defensor.
KAUGNAY NA BALITA: Pangulo, 'walang reaksiyon' sa recantation ni Orly Guteza—Palasyo
Sa pahayag ni Guanzon sa inupload niyang video sa kaniyang Facebook account nitong Huwebes, Agosto 20, ikinuwento niyang idinawit daw siya ni Guteza bilang abogadong handa umanong tumulong sa affidavit nito noon.
“Isipin mo na lang, may maniniwala ba sa ‘yo Guteza na mag-aabogado ako para sa ‘yo? Para sa ano? Will I have anything to do with Zaldy Co, with your boss, at that time?” pagsisimula niya.
Patutsada ni Guanzon, tila mas mabigat umano ang mga maletang natanggap ni Guteza sa bago nitong boss at kaniyang “mortal enemy” na si Romualdez.
“Pero syempre, mas mabigat ang maleta. Hindi ba, Guteza? Syempre, ‘yong boss mo ngayon [ay] si Martin Romualdez na. My mortal enemy,” tirada niya.
Hiling ni Guanzon, sampahan daw sana ng kasong perjury ng Office of the Ombudsman si Guteza kaugnay sa pagbaliktad nito sa kaniyang mga salaysay noon laban kay Romualdez na ginamit na ng naturang ahensya sa kanilang imbestigasyon.
“Kaya sana makulong kayong dalawa. The Ombudsman should file a perjury complaint against you. Because the Ombudsman used Guteza’s affidavit in the plunder case of Martin Romualdez. And now, he’s recanting,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “The Ombudsman should file a perjury case against Guteza ang including as a co-conspirator in the plunder case vs Martin Romualdez. Tingnan ko lang kung makulong mo ‘yan, Ombudsman, kung hindi ba ‘yan iiyak.”
Pagpapatuloy ni Guanzon, tila sinisira umano ni Guteza ang awtoridad ng Ombudsman sa pagbawi nito sa kaniyang mga nasabi noon na nagdala siya ng mga maleta kay Romualdez.
“Guteza is undermining the authority of the Ombudsman. The Ombudsman used his affidavit in the case against Romualdez and now he’s recanting, turning around. Saying na hindi siya nag-deliver ng maleta kay Martin Romualdez,” saad niya.
“‘Yong boss mo, si Martin Romualdez, Guteza, mortal enemy ko ‘yan. Makukulong din ‘yan,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Rowenga?’ Topacio, diskumpiyado kay Guanzon