Inihayag ng Malacañang na hindi umano sila nakatanggap ng anomang reaksiyon mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa nagin pag-recant ni retired Marine TSgt. Orly Guteza sa kaniyang mga salaysay na nagdala umano siya ng mga male-maletang pera kay Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
Kumalat sa mga balita ang recantation na ito ni Guteza, gabi noong Miyerkules, Agosto 19, 2026, tungkol sa kaniyang bagong affidavit na nakapetsa noong Agosto 13 at isiniwalat niyang nadala lang umano siya sa mga matatamis na salita nina Sen. Rodante Marcoleta at dating mambabatas na si Mike Defensor.
Sa pahayag naman ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Huwebes, Agosto 20, sinabi niyang hindi raw nahuhuli sa mga balita ang Pangulo ngunit wala raw itong reaksiyon sa pagbaliktad ni Guteza.
“Hindi naman po nahuhuli ang Pangulo sa mga balita at wala siyang reaksiyon na ibinigay sa atin,” pagsisimula ni Castro.
Ani Castro, tanging nais lang daw ng Pangulo ang mga prosesong alinsunod sa batas at ganoon na rin daw ang pangangailangan ng investigative bodies ng gobyerno, partikular ng Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at iba pa ang pawang mga totoong salaysay.
“Ang nais naman po ng Pangulo ay laging ayon sa batas, hindi gawa-gawang ebidensya. Kung totoong mapapatunayan na siya ay gumawa lang ng mga kuwento, hindi naman din ito makakabuti sa pagpu-pursue sa mga tao na dapat managot,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang kailangan po ng pamahalaan, kailangan ng Ombudsman, ng DOJ, ng mga investigating bodies natin ay totoong salaysay.”
Pagpapatuloy ni Castro, makakasira lang daw si Guteza sa paghabol sa mga dapat umanong managot kung lalabas na hindi raw totoo ang recatation.
“Kung sila naman po ay magsasabi ng kuwento, salaysay na walang katotohanan, mas makakasira siya sa paghabol sa mga tao na dapat managot,” diin niya.
“Mas hindi siya magiging epektibo,” pagtatapos pa ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM
KAUGNAY NA BALITA: 'Basura scheme?' Pagdeliver ng mga pera sa bahay nina Romualdez, Co, ikinanta ng dating sundalo