August 20, 2026

Home BALITA National

Barangay tanod sa mga paaralan, isinusulong bilang dagdag-seguridad!―DILG

Barangay tanod sa mga paaralan, isinusulong bilang dagdag-seguridad!―DILG
MB FILE PHOTO

Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglalagay ng mga barangay tanod sa loob ng mga paaralan bilang karagdagang hakbang para mapalakas ang seguridad ng mga estudyante at school personnel.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, isasama sa inaasahang kasunduan ng DILG at Department of Education (DepEd) ang mga hakbang para mapalawak ang pagbabantay sa mga school premises, lalo na kasunod ng mga insidenteng nagdulot ng pangamba sa seguridad ng mga paaralan.

Iginiit ni Remulla na may natatanging bentahe ang mga barangay tanod dahil kabisado nila ang mga tao at sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

“Kasi ang mga barangay tanod kilala nila ‘yang mga batang ‘yan, puwede nilang kausapin, puwede nilang sitahin, so yun ang hinihiling namin na further security step na pumasok doon,” ani Remulla sa press briefing noong Miyerkules, Agosto 19.

Siinabi rin ng kalihim na nais nilang magkaroon ng nakatalagang presensya ng mga tanod sa loob ng mga paaralan upang makatulong sa pagpigil at agarang pagtugon sa mga posibleng insidente.

National

Malacañang, ipinag-utos alternative work arrangement, learning mode para sa Huwebes, Agosto 20

“Ang hinihingi namin ay payagan ang barangay tanod na maglagay ng station sa loob ng mga eskuwelahan,” saad pa ni Remulla.

Inaasahang pag-uusapan ng DILG at DepEd ang magiging mekanismo ng deployment, kabilang ang koordinasyon ng mga barangay, paaralan at lokal na pamahalaan.

Layunin ng hakbang na magkaroon ng dagdag na mga mata at tainga sa loob ng school premises, habang nananatiling pangunahing tungkulin ng mga awtoridad ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga paaralan.

Ang panukala ay kasunod ng mga insidenteng may kinalaman sa seguridad sa mga paaralan, kabilang ang insidenteng naitala sa Zamboanga City na muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga estudyante at personnel.

KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!