Hindi na itinuloy ni Vice President Sara Duterte ang nakatakda sana niyang personal na biyahe sa Japan mula Agosto 19 hanggang 24, kasunod ng paglalantad ng Malacañang sa kaniyang travel authority at mga gastusing may kaugnayan sa seguridad at staff.
Ayon sa Malacañang, may inisyung Travel Authority (TA) para sa naturang biyahe. Kinumpirma rin ng Palasyo na personal ang biyahe at wala umanong gastusing pampubliko para sa personal na mga gastusin ng bise presidente.
Gayunman, sinabi ni VP Sara na nagbago na ang kaniyang mga plano at pormal na niyang ipinaabot sa Office of the President ang updated information tungkol dito, gabi ng Martes, Agosto 18.
“My plans have since changed, and the updated information on this matter was formally submitted to the Office of the President," mula sa kaniyang tanggapan.
Bago kanselahin ang biyahe, kinuwestiyon ng Pangalawang Pangulo ang paglalabas sa publiko ng kaniyang travel schedule, na aniya ay maaaring magdulot ng panganib sa kaniyang seguridad.
Iginiit naman ng Malacañang na may lehitimong interes ang publiko na malaman ang naturang biyahe dahil may ginagamit na pampublikong pondo para sa seguridad at staff ng Bise Presidente. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, umabot umano sa ₱7 milyon ang ginastos ng gobyerno para sa security at staff ni Duterte sa kaniyang mga foreign trip.
VP Sara, balik-hamon sa Malacañang
Sa halip na manatili lamang sa usapin ng kanyang Japan trip, ibinalik ni Duterte sa Malacañang ang usapin ng transparency at accountability sa government travel.
Sa inilabas niyang pahayag noong Agosto 18, iginiit ng bise presidente na hindi dapat sa isang tanggapan lamang hinihingi ang transparency at accountability.
Ayon kay Duterte, ang Office of the President ay nag-iisyu rin ng travel authorities sa maraming tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang sarili nitong mga opisyal at empleyado.
Dahil dito, hiniling niya na ilabas din sa publiko ang kumpletong impormasyon tungkol sa mga travel authority na inisyu ng Malacañang, pati ang mga kaukulang gastusin at pampublikong pondong ginamit para sa mga naturang biyahe.
Dagdag pa niya, dapat maging available sa publiko ang lahat ng travel authority na inisyu ng Palasyo kasama ang kaukulang gastos at public funds na ginamit.
"Transparency and accountability should not be demanded from a single government office alone. The Office of the President issues travel authorities to numerous government offices, including its own officials and employees," mababasa rito.
“In this light, the public would surely appreciate full information on the travel expenses incurred by these offices and officials, including the public funds used for such trips.”
“From hereon, we expect that all travel authorities issued by the Palace, together with the corresponding travel expenses and public funds involved, be made available to the public," aniya pa.
Maki-Balita: VP Sara, nanawagan ng 'transparency at accountability' sa gov't travel expenses