Pag-aaralan ng House of Representatives ang pangangailangan para sa karagdagang pondo at mas mahigpit na security measures sa mga paaralan kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na naganap noong martes, Agosto 18, 2026.
Sa online press briefing, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chair ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na nakahanda ang Kamara na suportahan ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatibay ng seguridad sa mga paaralan at pag-iwas sa mga katulad na insidente.
“Gusto po naming ipabatid ang aming pakikiramay sa pamilya po na nabiktima sa school shooting na po ito sa Zamboanga ngayong umaga po,” ani Adiong noon ding Martes.
“Makakaasa po sila na sa hanay po ng lehislatura, partikular ang Kamara, gagawin po natin ang lahat para masuportahan po ang [DepEd] sa pagsi-secure sa ating mga eskwelahan at maiwasan na po itong ganitong klaseng karahasan na mangyari pa po sa mga susunod na mga araw,” dagdag niya.
Ayon kay Adiong, susuriin ng liderato ng Kamara kung anong karagdagang resources at hakbang ang kailangan upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at school personnel habang tinatalakay ng Kongreso ang panukalang ₱7.2-trillion national budget para sa 2027.
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program, pinakamalaki ang panukalang alokasyon para sa DepEd na nasa ₱976 bilyon, katumbas ng 13.55% ng kabuuang spending plan.
MAKI-BALITA: ₱7.2 trilyong 2027 nat'l budget, mapagkakatiwalaan!—Rep. Suansing
Sinabi ni Adiong na dapat maging pagkakataon ang insidente sa Zamboanga upang matukoy kung sapat ang pondo ng mga paaralan para sa physical security, kabilang ang mga security guard at kagamitang makatutukoy ng mga armas bago makapasok sa campus.
“Baka kailangan nila yung metal detector, mga X-ray, sa mga bawat portal o yung mga gate na papasok yung mga estudyante. Kasi mukhang nakapasok itong baril na ito eh. Paano nakapasok sa isang school, di ba?” aniya.
Maaari din umanong gamitin ang proseso ng deliberasyon sa pambansang budget upang malaman kung sapat ang resources ng bawat school division para sa mga karagdagang security measure.
“Tatanungin natin kung meron bang enough na budget itong per division, per schools division, para maglagay ng mga metal detectors sa bawat gate nitong mga paaralan na ito para hindi makapasok yung mga ganitong baril na madi-detect na from the start,” pahayag ni Adiong.