Usap-usapan ng mga netizen ang social media post ng Kapuso actress na si Thea Tolentino matapos niyang magbigay ng saloobin hinggil sa naganap na matinding pagbahang epekto ng malakas na pag-ulan, bunsod naman ng southwest monsoon o habagat.
May himig-pangangalampag kasi si Thea sa mga botante na sana raw, gamitin ang access para alamin kung sino talaga ang mga karapat-dapat na iboto sa susunod na halalan.
Ayon kay Thea, nakakagalit daw na bawat taon na lang paulit-ulit na nangyayari ang mga problema gaya ng matinding pagbaha, na nagiging dahilan para maraming bahay ang malubog sa baha, malalang traffic, at mga taong hindi makauwi.
"Nakita ko lahat ng posts ngayong araw tungkol sa baha, mga bahay na lumubog, malalang traffic, at mga taong hindi makauwi. Hindi nga dapat normal ang ganito. NAKAKAGALIT. Ilang taon nang paulit-ulit na nangyayari. Kailan ba tayo uunlad?" ani Thea.
"Lahat naman tayo nandito na sa social media. Araw-araw, nakasubsob tayo sa mga cellphone natin. Sana gamitin din natin ang access na yan para mag-research, magtanong, at alamin kung sino talaga ang mga karapat-dapat nating iboto sa susunod. Hindi yung puro pangako lang. Tingnan niyo kung nasaan tayo ngayon. Hindi ba kayo nagagalit??"
"May respeto ako sa mga taong alam at naiintindihan ang plataporma at track record ng pulitikong sinusuportahan nila. Hindi naman kailangang pare-pareho tayo ng iboto."
Dagdag pa niya, "Pero sa mga taong ang dahilan ay, 'Hindi ko alam… basta siya,' 'Ka-alyado niya kasi,' o 'Magaling kasi tatay niya…' o kaya 'kaya wag nalang bumoto kasi parepareho lang silang kurakot,'" aniya.
Kaya naman, ipinagdiinan ng aktres na dapat daw alamin ng mga botante kung bakit nila ibinoboto ang isang kandidato.
"UTANG NA LOOB. GUMISING NA KAYO. Hindi sapat ang apelyido, alyansa, o mga pangako. Dapat alam natin kung BAKIT natin sila ibinoboto. Satin din magsisimula ang pagbabago," aniya pa.
Dagdag na paliwanag pa ng aktres, "To think na hindi malalang bagyo to. ANO NA!? Ang sakit sa puso na makita mo ang lahat ng pinagpaguran mo, inanod na ng baha."
Nilinaw rin ni Thea na "napaka-general" ng mga sinasabi niya at mga basic na dapat alam ng lahat.
"Napaka general ng mga sinabi ko pero ito yung mga basic na DAPAT alam nating lahat. nakakagigil na dapat yata ipaalala araw-araw sa mga tao na dapat alam nila ang rason kung bakit binoboto ang mga yan.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Kahit anong pag rireklamo wala naman mababago. Wala naman tayong hawak sa sitwasyon."
"God reveals what is hidden in the dark."
"Tumpak idol, sana maging mapanuri at matalino na tayong mga Pilipino sa susunod na halalan, alisin na ang mga dapat na alising buwaya."
"Tama sa Atin din nagsisimula Ang lahat,,, kung Hindi niyo yan binoto e Hindi Siya Ang namumuno so Tama sa Atin talaga dapat mag simula... Dapat be wise sa pag boto..."
Maki-Balita: Thea Tolentino sa malalang baha: Nakakagalit, ilang taon nang paulit-ulit na nangyayari!