Tila hindi maitago ni Kapuso actress Thea Tolentino ang kaniyang tila pagkadismaya sa patuloy na pagbaha at iba pang problemang nararanasan ng mga Pilipino kasunod ng matinding pag-ulan.
Sa isang Facebook post noong Lunes, Agosto 17, ibinahagi ni Thea na nakita niya ang sunod-sunod na mga ulat at larawan tungkol sa mga lugar na binaha, mga bahay na nalubog, matinding traffic at mga residenteng nahirapang makauwi.
Matatandaang biglang bumuhos ang malakas na ulan dahil sa southwest monsoon o habagat noong Lunes na nagdulot naman ng matinding pagbaha sa ilang mga lugar sa Metro Manila at iba pang apektadong lalawigan.
Para sa aktres, hindi dapat ituring na normal ang ganitong sitwasyon, lalo na’t ilang taon na umanong paulit-ulit na nararanasan ng mga Pilipino ang ganitong problema.
“Nakita ko lahat ng posts ngayong araw tungkol sa baha, mga bahay na lumubog, malalang traffic, at mga taong hindi makauwi. Hindi nga dapat normal ang ganito. NAKAKAGALIT. Ilang taon nang paulit-ulit na nangyayari. Kailan ba tayo uunlad?” aniya.
Mula sa usapin ng pagbaha, hinikayat naman ni Thea ang publiko na gamitin ang social media hindi lamang para sa entertainment kundi bilang paraan upang mas makilala at masuri ang mga kandidatong kanilang susuportahan sa halalan.
Ayon sa aktres, mahalagang magsagawa ng sariling pananaliksik, magtanong at tingnan ang track record at plataporma ng mga pulitiko bago magpasya kung sino ang iboboto.
“Lahat naman tayo nandito na sa social media. Araw-araw, nakasubsob tayo sa mga cellphone natin. Sana gamitin din natin yung access na yan para mag-research, magtanong, at alamin kung sino talaga ang mga karapat-dapat nating iboto sa susunod.”
Binigyang-diin din niya na hindi sapat ang mga pangako lamang ng mga kandidato.
“Hindi yung puro pangako lang. Tingnan niyo kung nasaan tayo ngayon. Hindi ba kayo nagagalit??”
Nilinaw naman ni Thea na nirerespeto niya ang mga taong may malinaw na dahilan sa pagpili ng kanilang sinusuportahang kandidato, kahit hindi sila pare-pareho ng paniniwala o iboboto.
“May respeto ako sa mga taong alam at naiintindihan ang plataporma at track record ng pulitikong sinusuportahan nila. Hindi naman kailangang pare-pareho tayo ng iboto.”
Ngunit mariin niyang kinuwestiyon ang mga botanteng pumipili ng kandidato batay lamang sa apelyido, alyansa o popularidad ng pamilya.
Binanggit din niya ang mga dahilan tulad ng “Hindi ko alam… basta siya,” “Ka-alyado niya kasi,” at “Magaling kasi tatay niya…”
Hindi rin niya pinalampas ang mga nagsasabing hindi na lamang boboto dahil pare-pareho raw kurakot ang mga pulitiko.
“UTANG NA LOOB. GUMISING NA KAYO.”
Sa huli, ipinaalala ng aktres na may responsibilidad din ang mga botante sa pagpili ng mga mamumuno sa bansa.
“Hindi sapat ang apelyido, alyansa, o mga pangako. Dapat alam natin kung BAKIT natin sila ibinoboto. Satin din magsisimula ang pagbabago."
Paglilinaw pa ng aktres, "To think na hindi malalang bagyo to. ANO NA!? Ang sakit sa puso na makita mo ang lahat ng pinagpaguran mo, inanod na ng baha."
Photo courtesy: Screenshot from Thea Tolentino/FB
Matatandaang hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring hindi nakakapag-move on ang sambayanan sa pagpapanagot sa mga politikong kurakot na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Isyu rin ang disiplina ng mga tao sa tamang pagtatapon ng basura dahil sa mga pagbabara sa mga drainage na nagiging dahilan din ng malalang pagbaha.