August 17, 2026

Home BALITA Metro

420 sako ng basura, nahakot sa coastal dike sa Navotas City!

420 sako ng basura,  nahakot sa coastal dike sa Navotas City!
Photo courtesy: MMDA/FB


Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Linggo, Agosto 16, na umabot sa 420 sako ng basura, ang kabuuang nakolekta sa coastal dike sa Barangay Bagumbayan North, Navotas City.

Ayon sa MMDA, naikasa ang cleaning operations sa pagtutulungan ng MMDA Metro Parkways Clearing Group at Department of Labor and Employment (DOLE) TUPAD beneficiaries.

Anila, nahakot sa naturang operasyon ang iba’t ibang uri ng basura gaya na lamang ng plastik, kawayan, at iba pa.

“Maging responsable sa pagtatapon ng basura para iwas-bara, iwas baha,” paalala ng MMDA.

Kasunod ito ng patuloy na pagbuhos ng ulang dala ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa—partikular na sa mga lalawigan at siyudad sa Luzon.

Sa usaping basura, matatandaang idiniin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na hindi niya matatawag na krisis ang garbage situation sa bansa—ngunit iginiit niyang isa itong kritikal na isyung kinahaharap sa kasalukuyan.

“Yeah, it certainly is. But, just look at it. Does that look critical to you? It does to me. So yes, I wouldn't call it a garbage crisis, but that is the problem that we are facing,” saad ni PBBM sa media noong Miyerkules, Agosto 12, matapos niyang personal na inspeksyunin ang Diokno Pumping Station sa kahabaan ng Jose W. Diokno Boulevard North, Pasay City.

MAKI-BALITA: PBBM, idiniin kritikal na sitwasyon ng basura sa gitna ng pagbaha, pag-ulan-Balita