August 16, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Derek sa LTO kaugnay ng sinitang supercar: 'I apologize for what is going on!'

Derek sa LTO kaugnay ng sinitang supercar: 'I apologize for what is going on!'
Photo courtesy: MB File Photo/LTO (FB)

Nagsalita na ang aktor na si Derek Ramsay matapos madawit ang pangalan niya sa inilabas na "blind item" ng Land Transportation Office (LTO) laban sa isang hindi pinangalanang aktor at negosyanteng rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng isang supercar na umano’y gumagamit ng pekeng plaka.

Batay sa Facebook post ng LTO noong Biyernes, Agosto 14, isinagawa ang hakbang sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao matapos matukoy sa beripikasyon ng ahensya na ang plate number na nakakabit sa naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito.

Anila pa, inatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Plates.

Kailangan din nilang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang driver’s license dahil sa umano’y pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang drayber at inatasang isuko ito sa IID.

Tsika at Intriga

Hirit ni Vice Ganda tungkol kay Robin: 'Magaling talaga ’to, nakakapagpasa ng batas sa Bilibid!'

Ang naturang supercar ay inilagay rin sa alarm status, habang inatasan naman ang Law Enforcement Service (LES) ng LTO na ipatupad ang pag-impound sa sasakyan.

Binigyang-diin ni Lacanilao na walang dapat makaligtas sa pagpapatupad ng batas, anuman ang katayuan o pagkakakilanlan.

“Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan," aniya.

Ayon sa opisyal, hindi magdadalawang-isip ang LTO na kumilos laban sa sinumang mapatunayang lumabag sa kanilang mga patakaran.

“Walang palakasan, walang palusot, at walang exemption.”

Iginiit din ni Lacanilao na hindi palalampasin ng ahensya ang paggamit ng pekeng plaka at pag-iwas sa mga obligasyong dapat tuparin ng mga motorista.

Patuloy namang nananawagan ang LTO sa lahat ng motorista at rehistradong may-ari ng sasakyan na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento, plaka at rehistrasyon, at kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang obligasyon bago bumiyahe sa pampublikong kalsada.

Binigyang-diin ng ahensya na hindi magiging dahilan ang pangalan, katayuan o maging ang halaga ng isang sasakyan upang makaiwas sa pagpapatupad ng batas.

Patuloy umanong susuriin at aaksyunan ng LTO ang mga ganitong paglabag upang mapanatili ang integridad ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag.

Maki-Balita: Aktor na may-ari ng supercar na umano'y may pekeng plaka, kinastigo ng LTO!

Samantala, ayon naman sa naglalabasang ulat ng ibang lokal na pahayagan online, ang umano'y aktor-negosyante na kinastigo ng LTO ay si Derek Ramsay.

Sa pamamagitan ng Instagram story, sinabi ni Derek na handa siyang makipag-cooperate sa LTO at nag-apologize sa kung anuman daw ang mga nangyayari.

Saad niya, as is published, "I've seen the issue regarding the 918 spyder on social media. I do not drive any cars with fake plates."

“All my vehicles have proper plates. Pls carefully read the statement issued by Ito to properly understand what is happening,” pahayag ng aktor, na isang negosyante rin.

“I have not yet recieved [received] any show cause order but i [I] will cooperate and appear when requested. To the LTO i [I] apologize for what is going on. Driving with fake plates is wrong and should not be tolerated,” saad pa ng aktor.

Photo courtesy: Screenshot from Derek Ramsay/IG