Inilatag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang lima niyang kondisyon na dapat masunod bago umano niya suportahan pagtatayo ng Pax Silica Initiative sa Pilipinas.
Sa paliwanag ni Gatchalian sa ikinasang pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change nitong Biyernes, Agosto 14, 2026, sinabi niyang sinusuportahan daw niya ang Pax Silica, ngunit kailangan daw talaga na masunod ang kaniyang mga kondisyon.
“Sinusuportahan ko itong Pax Silica pero marami rin po akong kondisyon at caveats. Tulad ng pagpasok sa isang negosyo, may mga risk, may mga caveats, may mga kondisyon. ‘Yon po ay dapat nating pag-usapan,” pagsisimula niya.
1. DAPAT SUMASANG-AYON ANG PAX SILICA ALINSUNOD SA SALIGANG BATAS
Ani Gatchalian, dapat daw na sumusunod sa mga ipinag-uutos ng batas ng Pilipinas at mga lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng Pax Silica dahil hindi naman daw maaaring itaya ang soberanya ng bansa para sa naturang proyekto.
“Unang-una, dapat itong mga initiatives na ito ay sang-ayon sa ating saligang batas at sa ating local laws. Wala pong compromise diyan. Hindi natin pwedeng isaalang-alang ang ating soberanya. Importante na ito ay compliant sa ating saligang batas,” aniya.
2. DAPAT MARESOLBA ANG MGA SULIRANIN SA TUBIG,
Diin ni Gatchalian, dapat din daw na wastong matugunan ang alalahanin ng marami sa suplay ng tubig sa bansa at sa tubig na inaasahang magiging konsumo ng mga Data Centers ng Pax Silica.
“Pangalawa, ‘yong mga environmental concerns na naririnig natin. Tubig, isa ‘yan sa pinakamalaking concern. Sa mga Data Centers, even mga semiconductor industries, matakaw po talaga ‘yan sa tubig. Importante na naa-address natin ‘yong demands nitong Pax Silica Initiative pagdating sa tubig,” ‘ika niya.
3. DAPAT MARESOLBA ANG SULIRANIN SA KURYENTE
Saad ni Gatchalian, mahalaga rin umanong solusyonan ang problema sa kuryente at inaasahan din na isa sa mga pangunahing ikokonsumo ng Pax Silica.
“Pangatlo, kuryente. Sawang-sawa na tayo sa yellow alerts, sa red alerts. Kapag papasok ang isang malaking industriya, importante na ma-address ‘yong kakulangan sa kuryente,” aniya.
4. DAPAT MARESOLBA ANG SULIRANIN SA DISPLACEMENT NG MGA KATUTUBO AT MAGSASAKA
Giit pa ni Gatchalian, dapat din daw na maresolba ang problema sa displacement o lilipatan ng mga katutubo at magsasaka dahil hindi umano maaaring mawalan ng trabaho ang mga sektor na nabanggit.
“[Pang-apat], ‘yong displacement ng ating indigenous peoples, ‘yong mga katutubo natin at mga magsasaka po natin. Hindi nating puwedeng payagan na mawalan ng trabaho ang ating mga magsasaka. Hindi nating payagan na ma-displace o matanggal sa kanilang lugar ang ating mga katutubo,” anang Senate President.
“Importante na makatarungan ang ating pagtrato sa ating mga magsasaka at ating mga katutubo,” pahabol pa niya.
5. DAPAT MAGKAROON NG TECHNOLOGY TRANSFER NA PABOR PARA SA BANSA
Pagpapatuloy niya, mahalaga rin daw na matanggap na technology transfer ang Pilipinas para sa mga susunod na henerasyon at hindi lang basta pumasok sa bansa ang industriya ng Pax Silica.
“Lastly, ‘yong ating technology transfer. Importante na natututo [tayo dito]. Hindi po puwedeng papasok lang ang industriya, aalis, wala tayong matututunan. Importante na magkaroon ng malinaw na technology transfer lalo na sa ating mga kabataan,” diin niya.
“Ipinagmamalaki po nating meron tayong isa sa pinakabatang populasyon sa buong mundo. Pero kung mangmang naman po ‘yong ating populasyon, wala ng mangyayari,” pagtatapos pa ni Gatchalian.
KAUGNAY NA BALITA: Pax Silica, tinatayang kokonsumo ng 65-90 milyong litro ng tubig kada-araw!