Aabot sa siyam na crew members ang matagumpay na nailigtas mula sa isang tugboat na napaulat na sumadsad sa baybaying dagat ng Barangay Bangan, Botolan, lalawigan ng Zambales nitong umaga ng Biyernes, Agosto 14.
Base sa ulat na ibinahagi ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Botolan, naikasa ang rescue operations sa tulong ng response team—katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Botolan at maging ang Bangan fisherfolks.
Anang ulat, lulan ang siyam na tripulante ng sumadsad na Tugboat SL SUAl 1—na batay sa imbestigasyon ay nabutasan, kung kaya’t isinadsad na lamang sa mababaw na bahagi ng katubigan.
Ligtas na ang siyam na crew members, na sa kasalukuyan ay nasa maayos na ring kalagayan.
“Patuloy na pinapayuhan ang bawat isa, lalong higit ang mga nakatira sa mga coastal areas na bagaman walang nakataas na Gale Warning sa ating bayan ay mas mabuting iwasan na muna ang anumang aktibidad sa mga baybaying dagat o anumang water activities ngayong masama ang panahon para sa kaligtasan at kaayusan ng bawat isa,” abiso ng MDRRMO Botolan.
Anila pa, “Manatiling mag-antabay sa pinakabagong ulat-panahon.”
Sa kaugnay na ulat, na may kinalaman sa mga insidente sa katubigan, isang mangingisda naman ang na-rescue ng PCG sa Brgy. Cambijang, Cajidiocan, Romblon noong Huwebes, Agosto 13, 2026.
Matagumpay siyang nasagip nang lumubog ang sinasakyan niyang motorbanca, na base sa kaniyang salaysay ay nasira matapos tamaan ng isang hayop.
MAKI-BALITA: Mangingisda, nailigtas matapos lumubog sinasakyang motorbanca-Balita