August 14, 2026

Home BALITA Probinsya

Mangingisda, nailigtas matapos lumubog sinasakyang motorbanca

Mangingisda, nailigtas matapos lumubog sinasakyang motorbanca
Photo courtesy: MDRRMO Cajidiocan via Coast Guard Station Romblon/FB


Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang mangingisda matapos lumubog ang sinasakyan nitong motorbanca, six nautical miles mula sa baybayin ng Brgy. Cambijang, Cajidiocan, Romblon noong Huwebes, Agosto 13, 2026.

Ayon sa ibinahaging ulat ng Coast Guard Station Romblon nitong Biyernes, Agosto 14, napag-alaman ang impormasyon matapos i-report ng isang concerned resident ang pangyayari sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cajidiocan.

“CGSS Cajidiocan received information from a concerned resident regarding a fisherman from Sitio Ilawod, Brgy. Cambijang, who was onboard a blue-and-white motorbanca that had sustained damage and was taking in seawater while at sea,” saad ng Coast Guard Station Romblon.

Matapos matanggap ang ulat, agad-agad na sinagip ang mangingisda sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Cajidiocan.

Binigyan ang mangingisda ng pangunahing pangangailangan at agarang sumailalim sa assessment—kung saan lumabas na “stable” ito at hindi nagtamo ng anumang pinsala.

Ang lumubog na motorbanca ay “secured” na at hinila patungong Port of Cajidiocan.

Base naman sa salaysay ng mangingisda, nangisda lamang siya sa nasabing katubigan. Nang hatakin na niya ang inihagis na lambat pabalik sa baybayin, nasira umano ang sinasakyan niyang motorbanca matapos tamaan ng isang hayop.

Dahil dito, pinasok ng tubig ang motorbanca—dahilan upang lumubog ito.

Nagpaalala naman ang ahensya ng ibayong pag-iingat habang nasa katubigan.

“The PCG reminds all maritime stakeholders, particularly small-scale fishermen, to exercise caution while at sea, ensure that their boats are seaworthy, and carry appropriate communication and safety equipment at all times,” anang ahensya.

Probinsya

Estudyanteng nasa classroom, tinamaan ng ligaw na pana sa leeg mula sa varsity team!