August 13, 2026

Home BALITA National

Walang mali sa confidential funds kung nagagamit sa tunay na dahilan, mandato—Usec. Castro

Walang mali sa confidential funds kung nagagamit sa tunay na dahilan, mandato—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM/YT


Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang mali sa confidential funds, basta’t ito raw ay nagagamit sa tamang dahilan at mandato ng isang ahensya.

Kaugnay ito sa nagpapatuloy at gumugulong na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan isa sa mga elementong tinitingnan para sa paglilitis ay ang umano’y kaduda-dudang paggamit niya ng confidential funds.

“Even before, sinabi po natin ang Pangulo at ang administrasyon ay hindi makikialam sa anong ginagawa at proseso dito sa impeachment trial,” panimula ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Huwebes, Agosto 13.

Paliwanag niya, “Pero bilang parte ng aming mandato na ipaliwanag ang katotohanan, ito po ang aming nakita: Unang-una, bakit nga ba naubos ang ₱125 milyon in 11 days? Ang sabi nga lang ay one day, dahil kahit sa isang araw, mabilis na naipamigay ang pera sa iba’t ibang lugar…’yan ang lumabas. Ang pondo po kasi, kapag hindi naubos sa loob ng isang taon, ito ay bumabalik sa national treasury. So, lumalabas, kailangang ubusin in 11 days para hindi na maibalik sa national treasury.”

“Pangalawa, dapat po nating tandaan: ang confidential funds, hindi dahil nandiyan ang salitang confidential, ay hindi ka na magre-report nang maayos. Kailangan ito ng mga resibo upang patunayan na talagang nagkaroon ng transaksyon, nagkaroon ng negosasyon, nagkaroon ng mga activities patungkol sa national security, peace and order,” dagdag pa niya.

Diin pa ng press officer, walang mali sa nasabing pondo basta’t ito ay nagagamit nang wasto.

“Walang mali sa confidential funds, kung ito ay nagagamit sa tunay na dahilan or purpose, at kung ito ay batay sa mandato ng ahensya,” anang press officer.

Kaugnay nito, nagkomento rin si Usec. Castro tungkol naman sa tila mainit na palitan nina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at defense counsel Atty. Kristine Ferrer, hinggil sa isinagawang pagtatanong sa witness na si Commission on Audit (COA) auditor Xylene del Campo, sa ika-15 na araw ng impeachment trial ni VP Sara noong Miyerkules, Agosto 12.

Tila napagtalunan kasi ng dalawa kung “allowed” nga ba ang misleading questions pagdating sa cross-examination.

“As a lawyer, basic. This is so basic. Misleading questions are not allowed, especially during cross-examination,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: 'This is so basic!' Castro, sinabing 'di 'allowed' misleading questions sa cross-examination-Balita