August 13, 2026

Home BALITA National

Impeachment case, grave threats case vs VP Sara, magkaiba ang nature—Castro

Impeachment case, grave threats case vs VP Sara, magkaiba ang nature—Castro
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Ipinaliwanag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi raw magkapareho ang “nature” ng impeachment at grave threats case na parehong kinahaharap sa kasalukuyan ni Vice President Sara Duterte.

Kaugnay ito sa pag-usad ng impeachment case laban kay VP Sara, at ang pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng kasong grave threats laban sa kaniya dahil sa umano’y pagbabanta nito sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

MAKI-BALITA: Kasong grave threats, isinampa ng DOJ laban kay VP Sara!-Balita

“May nakitang ebidensya, hindi ba mismo ‘yong mga kaalyado ng bise presidente patungkol dito sa impeachment ang sabi: ‘e kung grave threats lang ‘yan, edi sampahan na lang sana ng kaso sa korte, hindi sa impeachment.’ So ‘yong suhestiyon din, naisampa na lang sa korte—e sinunod lang naman din naman ng DOJ, base din naman sa ebidensya,” saad ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Agosto 13.

Aniya, “‘Di naman maikakaila, ‘di nila maikakaila ‘yong video na napanood na halos ng lahat—hindi lang ng Pilipino kung hindi sa buong mundo ay napanood na.”

Sinagot din ng press officer kung wala bang magiging “conflict” sa mga ito, sapagkat isa sa mga articles of impeachment ay ang grave threats—na siya ring ikinaso ng Justice department sa Pangalawang Pangulo.

“Iba po ang nature ng criminal case, iba ‘yong nature ng impeachment proceedings. So, sa impeachment proceedings kasi, dito inaalam kung ‘yong leader ay dapat na maging leader pa—’yong kaniyang kapasidad, ‘yong kaniyang mental health, ‘yong kaniyang pagiging agresibo, ‘yong anger management, ito lahat ay dapat na nakikita kung ikaw ay magiging leader,” aniya.

“Ang criminal case naman, ito ay ‘yong liability dahil gumawa ka ng isang krimen. So, magkaiba po siya. So, puwede po siyang pagsabayin,” paliwanag pa niya.

Nilinaw din ni Usec. Castro ang posibleng maging epekto ng criminal case sa maaaring kahinatnan ng paglilitis laban kay VP Sara.

“Iba pa rin. Halimbawa man, na ito, halimbawa lang po ha, na ito ay ma-dismiss dahil sa kaniyang mga kaalyado, hindi ibig sabihin na wala siyang ginawang krimen. Kasi ang elements of the crime ay nakasaad diyan sa Revised Penal Code (RPC),” anang press officer.

“Kung lahat ng elemento ng crime ay present to convict her for committing grave threats, so puwede siyang maging liable for grave threats. Sabi ko nga kulang pa ‘yon e,” pagtatapos ni Usec. Castro.