Inanunsyo ni Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na ipinatigil na niya ang pagsasagawa ng “search and rescue” operations sa pagguho sa Guisad Surong, Baguio City ngayong Martes, Agosto 11.
Sa inilabas na pahayag ni Magalong, mula sa ‘search and rescue’ binanggit niyang lilipat na ang Baguio City local government unit (LGU) sa ‘relief and recovery’ operations.
Kasabay ng anunsyong ito ay binanggit din ng alkalde na nakapagtala na sila ng 12 survivors at 10 mga nasawi mula sa trahedyang pagguho.
“Ang latest update natin doon we have 12 survivors at mayroon tayong 10 fatalities at tinerminate ko na [‘search and rescue’ operations] kaninang madaling araw, after yung recovery ng dalawang missing pa, unfortunately, wala na silang vitals. So tinerminate na natin yung ‘search and rescue’ operations and we’re going to shift to ‘relief and recovery,’” saad ng alkalde.
Kasunod ng trahedya, binanggit ni Magalong na pansamantala nilang ihihinto ang anumang operasyon sa Guisad Surong.
“For the meantime hindi muna natin gagalawin yung lugar kasi delikado pa, high risk pa rin, hazardous pa rin. Wala rin muna tayong pababalikin do’n, that would depend on the result of the geotechnical study na gagawin. Habang hindi kumpleto yung study na ‘yon, wala tayong pababalikin do’n kasi delikado talaga,” ani Magalong.
Pinaalis din daw muna ni Magalong ang mga naninirahang residente sa mga bahay na nakapaligid sa Guisad Surong.
Sa kasalukuyan, tiniyak ng alkalde na nagpapatuloy ang kanilang relief operations at psychosocial support bilang tulong sa mga naapektuhang pamilya ng pagguho.
Matatandaang nanawagan ng donasyon si Magalong sa publiko para sa mga apektadong pamilya sa Guisad Surong, na naiulat na gumuho bandang 7:00 PM noong Linggo, Agosto 9.
Ilan sa mga donasyong ipinanawagan niya ay essential supplies at “ready-to-eat” meals.
MAKI-BALITA: Mayor Magalong, umapela ng donasyon sa mga naapektuhan ng landslide sa Baguio