Natagpuan na ng mga awtoridad ang bangkay ng isa sa mga binatilyong nalunod sa Ilog Cagayan noong Lunes, Agosto 10.
Kinilala ang bangkay na si Gian Agpalasin, na isang 13-anyos at residente ng Brgy. San Roque sa Cagayan.
Ayon sa Task Force Lingkod Cagayan–Quick Response Team (TFLC-QRT) na isa sa mga tumulong sa paghahanap, natagpuan nang walang buhay si Agpalasin malapit sa lugar na pinaliguan niya.
Kaya pinaniniwalaang dito na sa lugar na ito nalunod si Agpalasin.
Matatandaang isa pang binatilyong 13-anyos ang naiulat na nalunod sa Ilog Cagayan noong Agosto 10.
Ang binatilyong ito naman ay kinilalang si Jhony Baquiran na mula naman sa Brgy. Maddarulug Sur.
Bagama’t 11:00 ng umaga nakarating sa tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang insidente ng mga pagkalunod nina Agpalasin at Baquiran, pasado 1:00 na ng hapon natagpuan ang bangkay ni Baquiran, na idineklarang “dead on arrival” ng umasikasong doktor.
MAKI-BALITA: Dalawang menor de edad, nalunod sa ilog sa Cagayan
Tiniyak naman ng mga awtoridad na patuloy siyang nagsasagawa ng imbestigasyon para alamin ang pangyayari bago ang mga insidente ng pagkalunod.