Muling nagpahayag ng pakikiramay at pagnanais na makausap ang pamilya ng nasawing Ateneo student-athlete na si Rene “Bobet” Baterbonia ang Ateneo de Manila University (ADMU).
Sa inilabas na pahayag ng unibersidad noong Linggo, Agosto 10, 2026, sinabi ng Ateneo na labis nilang ikinalulungkot ang patuloy na pagdadalamhati ng pamilya Baterbonia, na nakita umano sa kamakailang panayam ng ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia.
“It is heartbreaking to see the deep pain and loss the Baterbonia family continues to endure,” ani ng unibersidad.
Ayon sa Ateneo, mula nang pumanaw sina Rene at teammate nitong si Nigerian national Divine Adili noong Hunyo 8, patuloy umano silang nagsikap na magbigay ng suporta sa kani-kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, habang isinasaalang-alang ang kanilang privacy at paraan ng pagdadalamhati.
Ikinuwento rin ng unibersidad na personal na nakipagkita si Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap kay Rovelyn sa burol ni Rene sa Maynila.
Sa naturang pagkikita, nagpaabot umano si Fr. Yap ng pakikiramay at paghingi ng paumanhin, nanalangin kasama ang pamilya at tiniyak na handang tumulong ang unibersidad sa anumang pangangailangan ng pamilya.
Ilang beses din umanong bumisita si Fr. Yap sa burol, habang ang iba pang miyembro ng komunidad ng Ateneo ay nagpaabot din ng alok na suporta sa pamilya.
Matapos ang burol sa Ateneo de Davao University, iniuwi ng pamilya ang labi ni Rene sa Talacogon, Agusan del Sur, kung saan ipinagpatuloy ang kanyang burol.
Ayon sa Ateneo, hiniling noon ng pamilya na mabigyan sila ng espasyo habang naghahanda para sa paggunita sa ika-40 araw ng pagkamatay ni Rene. Iginalang umano ng unibersidad ang kahilingang ito.
Gayunman, sinabi ng Ateneo na ilang beses na nilang sinubukang makipagkita muli sa pamilya ngunit hindi pa sila nabibigyan ng pagkakataon.
“We take this opportunity to reach out once again to the Baterbonia family, this time publicly, in the hope that we can finally sit down with them again, listen to them, provide the answers we can, and extend whatever care or support they may need,” saad ng unibersidad.
Sa huli, tiniyak ng Ateneo na nananatili silang bukas sa pamilya ni Rene at handang makipag-usap kapag handa na ang mga ito.
“We remain here for them, whenever they are ready," anila.
Kamakailan lamang, nakapanayam si Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene, sa "Toni Talks" ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga.
Dito ay inilabas niya ang mga natitirang hinanakit tungkol sa pagkamatay ng anak.
Maki-Balita: Himutok ng ina ni Rene: Anak, tintratong parang 'baboy na kinatay!'
Si Rene, na dating naglaro para sa Ateneo de Davao at naging 2025 Palarong Pambansa basketball MVP, ay kabilang sa dalawang student-athlete na nasawi matapos ang insidente sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Matapos ang insidente, paulit-ulit na nanawagan si Rovelyn ng malinaw na paliwanag tungkol sa nangyari sa kanyang anak. Iniutos naman ng Department of Justice ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa pagkamatay nina Rene at Divine.
Maki-Balita: Coach Tab Baldwin, 11 iba pa lagot sa kasong reckless imprudence, simple negligence!
Samantala, iniulat na inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng homicide charges laban sa ilang indibidwal kaugnay ng insidente. Patuloy namang naging emosyonal ang usapin habang hinihintay ng mga pamilya ang mga sagot at pananagutan kaugnay ng pagkamatay ng dalawang batang atleta.
Kamakailan lamang, lumabas na rin ang pasya ng Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa coach ng koponan na si Tab Baldwin na magmulta ng ₱4.9 million administrative fine dahil sa "failure to secure a Certificate of Exemption."