Patuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam, kasunod ang patuloy na pagbuhos ng ulang dala ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng Luzon.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), as of 8:00 ng umaga nitong Linggo, Agosto 9, umabot sa 161.81 meters ang water level ng nasabing dam, bahagyang mas mataas kung ikukumpara sa critical level nitong 160 meters.
Mas mataas din ito ng 2.92 meters kumpara sa talang 158.89 dakong 8:00 ng umaga noong Sabado, Agosto 8.
Gayunpaman, nananatili malayo ang water level ng Angat Dam sa normal high water level nitong 210 meters.
Base sa isinagawang press conference ng ahensya kamakailan, inilahad ni PAGASA weather facilities specialist II Juan Elmer Caringal na unti-unti nang nakakarekober ang naturang dam, kung ang pag-uusapan ay ang water level nito.
“Mapapansin po natin na medyo nakaka-recover po unti-unti ito pong Angat Dam,” ani Caringal.
Diin niya, napapansin nila ang pagrekober ng dam sa water level nito tuwing huling linggo ng Hulyo at unang linggo ng Agosto, batay sa kanilang annual record.
MAKI-BALITA: Angat Dam water level umangat, unti-unting nakakarekober—PAGASA-Balita
Photo courtesy: MB