Unti-unti nang nakakarekober ang Angat Dam, matapos ang pag-angat ng water level nito sa 157.0 meters dakong 8:00 ng umaga ngayong Miyerkules, Agosto 5, batay sa anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa press conference na ikinasa ng ahensya ngayong araw, ibinahagi ni PAGASA weather facilities specialist II Juan Elmer Caringal na gayong tumaas ang water level ng Angat Dam, nananatili naman itong mas mababa kung ikukumpara sa normal high water level nito na 210 meters.
“Ang Angat [Dam] po, ang kaniyang present elevation kaninang alas-otso ay 157 [meters]. Tumaas pa po siya ng 0.39 meters; but malayo pa po siya ng 53 meters doon po sa kaniyang normal high water level na 210 meters,” saad ni Caringal.
“Mapapansin po natin na medyo nakaka-recover po unti-unti ito pong Angat Dam,” aniya pa.
Diin ni Caringal, napapansin nila batay sa annual record ang pagrekober ng dam sa water level nito tuwing huling linggo ng Hulyo at unang linggo ng Agosto.
Gayunpaman, mas mababa pa rin ng 23.56 meters ang rule curve ng naturang dam, kung ikukumpara sa normal nito na 180.56 meters, batay sa datos ng PAGASA.
Anang PAGASA, kailangan ng Angat Dam ang 403 millimeters of rainfall upang makabalik sa rule curve nito; habang 1,320 millimeters of rainfall naman para makabalik sa normal high water level.
Umaasa naman ang ahensya na unti-unting tataas ang lebel ng tubig sa Angat Dam, at kahit bumalik man lang daw ito sa normal operation.
Matatandaang kamakailan, tumaas ang water level sa nasabing dam matapos ang pagbuhos ng ulang dala ng low pressure area (LPA).
MAKI-BALITA: Tubig sa Angat Dam, umangat bunsod ng LPA-Balita
Photo courtesy: MB