Nagbigay na ng pahayag ang Anselma E. Gonzales National High School sa Negros Oriental matapos silang kuyugin dahil sa inilunsad nilang paligsahan ng poster making gamit ang artificial intelligence (AI).
Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Sa eksklusibong pakikipag-ugnayan ng Balita sa naturang paaralan, sinabi nilang hindi raw nila inasahan na babahain ng samu’t saring reaksiyon ang kanilang post.
“Ang activity na ginawa namin ay sang-ayon sa Memorandum Pansangay Blg. 0731 Series of 2026 ng Negros Oriental Division,” saad ng paaralan.
Dagdag pa nila, “Upang maisagawa ang tema sa taong ito, isa sa mga gawain ay ang paggawa ng poster at infographics sa tulong nga AI, yun din naman po ang nasa tema.”
Pinangatwiranan din nila na estudyante pa rin naman daw ang nag-isip ng prompt para iutos sa AI kung anong poster ba ang dapat buuin.
“Hindi naman siguro masama kung gagamit kami ng AI tutal nasa 21st century na tayo ngayon,” dugtong pa nila.
Anila, “Sa totoo lang po, nasa bundok ang aming paaralan, siguro paraan ito upang mapansin kami ng Department of Education upang madinig ang mga hiling na sana matulungan kami na mabigyan ng silid-aralan o DepEd school building.”
Matatandaang nauna nang sinabi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa ginanap na press launching para sa Buwan ng Wika noong Hulyo 2023 ang halaga ng pagtuturo ng responsableng paggamit ng AI.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!