Ligtas at walang nasugatan sa walong Pilipinong gurong nagtatrabaho sa Debsirin School Nonthaburi sa Thailand matapos ang naganap na pamamaril sa paaralan na ikinasawi ng pitong katao at ikinasugat ng mahigit 30 iba pa noong Biyernes, Agosto 7, 2026.
Kinumpirma ng Philippine Embassy in Thailand na ligtas at walang nasugatan ang lahat ng walong rehistradong Filipino teachers sa nasabing paaralan.
“The Philippine Embassy extends its deepest sympathies and heartfelt condolences to the families and loved ones of the victims, as well as to the entire school community and the Thai government following the tragic school shooting incident at Debsirin School Nonthaburi,” anang embahada.
Idinagdag ng embahada na ipinapanalangin nito ang mabilis at tuluyang paggaling ng mga nadamay na biktima at patuloy itong nakikiisa sa Thailand sa gitna ng trahedya.
Sinabi rin ng embahada na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon at nakahanda itong magbigay ng kinakailangang tulong.
Naganap ang pamamaril sa Debsirin Nonthaburi School sa Nonthaburi province, na karatig ng Bangkok.
Ayon sa Thai police, unang binaril at napatay ng 14-anyos na suspek ang kaniyang lolo at lola gamit umano ang handgun ng kaniyang lolo bago nagtungo sa paaralan.
KAUGNAY NA BALITA: Binatilyong namaril, tinodas muna lolo't lola, saka niratrat mga estudyante!
Sa paaralan, lima pang staff members ang napatay sa pamamaril.
Nasawi rin ang suspek matapos ang insidente, habang mahigit 30 katao ang nasugatan, kabilang ang nasa siyam na kritikal ang kondisyon, ayon kay Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul.
Sinabi ng pulisya na nakaranas umano ng stress ang suspek na may kaugnayan sa kaniyang pag-aaral at lumilitaw na pinagplanuhan nito ang pag-atake.