Pinalaya na ang lahat ng 10 miyembro ng tinaguriang “maleta boys” matapos makapagpiyansa sa Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) nitong Sabado, Agosto 8, 2026.
Ayon sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod, nakapagbigay na ng piyansa ang lahat ng 10 inaresto noong Biyernes, Agosto 7, dahil sa kabiguang makapagpiyansa sa kasong perjury.
Nagsigawan at nagpalakpakan umano ang mga tagasuporta ng grupo matapos ipahayag ni Baligod na nakapagpiyansa na ang kaniyang mga kliyente at maaari nang makalaya.
Bago nito, nauna nang ibinihagi si media ni Baligod na may ilang indibidwal ang umano’y nagpadala ng pera sa kanilang kampo upang makapagpiyansa ang 10 maleta boys.
“Marami tayong kababayan na nag-contribute. May nagpadala ng ₱1000 galing sa… Cebu at sa saka dito sa Manila, ₱1,000. Meron ding OFW na nagpadala ng ₱30,000,” pagsisimula niya.
Pahabol pa niya, “Marami. May mga ₱5,000. So nakaipon kami.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang concern citizen, nagpadala ng donasyon pampiyansa ng ex-soldiers—Atty. Baligod
Nauna nang inaresto ng Las Piñas City Police ang 10 matapos silang mabigong makapag-post ng piyansa para sa apat na counts ng perjury.
Tatlo lamang sa kanila ang nakapagpiyansa sa loob ng itinakdang panahon noong Biyernes.
Batay sa mga warrant of arrest na inilabas ni Las Piñas RTC Judge Kathryn Sabado, itinakda sa ₱18,000 bawat kaso ang recommended bail para sa bawat isa.
Bago ang pag-aresto, ipinakita ni Baligod sa media ang umano’y mga pagtatangkang suhulan ang ilang dating bodyguard na una nang bumawi sa kanilang mga pahayag.
Inaasahan ding ilalahad ng mga dating bodyguard kung sino umano ang nasa likod ng naturang mga pagtatangkang panunuhol.
Ang 18 “maleta boys” ay sinasabing mga dating bodyguard ng puganteng dating kongresista na si Zaldy Co na umano’y naghatid ng mga maleta na naglalaman ng pera sa iba’t ibang personalidad.
Samantala, apat pang miyembro ng grupo ang bumawi sa kanilang mga naunang pahayag na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang opisyal ng pamahalaan sa umano’y kickbacks mula sa mga flood control project.