Inamin ng rapper na si Gloc-9 na pinupulis umano ang hit song niyang “Upuan” kapag itinatanghal niya ito sa ilang show.
Nahagip kasi sa vodcast na “i-Listen” ni Kara David kamakailan ang relevance ng “Upuan” simula nang ilabas ito ni Gloc-9 noong 2009 bilang bahagi ng album niyang “Matrikula.”
"Hanggang ngayon relevant 'yong kanta mong ‘Upuan’ lalo na ngayon," saad ni Kara.
Pero sabi ni Gloc-9, "Hindi ko alam if it's a good thing. [...] Dumarating sa point na iniisip ko like 'yong song na 'Upuan,' sabi ni Sir Kiks [Francis Magalona] sa akin, 'yong mga kanta natin hindi na atin 'yan 'pag binitawan natin. Mayro'n na silang sariling buhay.”
“And sometimes, I ask myself if I'm still worthy of my song. Minsan pinipigilan akong kantahin sa show,” dugtong pa ng rapper.
Usisa tuloy ni Kara, "Bakit?"
"Bawal daw," sagot ni Gloc-9.
Ayon sa kaniya, minsan daw ay nararamdaman niyang nate-take for granted niya ang mga sariling kanta.
"Minsan iniisip ko kasalanan ko ba 'yon na hindi ko kinanta dahil sinabi sa akin na huwag kong kantahin?" sabi ni Gloc-9. "Iniisip ko na lang kasi gusto kong umuwi sa anak ko. Baka kasi 'pag kinanta ko, hindi ako makauwi sa anak ko."
Matatandaang muling umalingawngaw ang “Upuan” nang pumutok sa publiko ang isyu ng maanomalyang flood control projects noong Setyembre 2025. Pinatugtog at kinanta ito sa mga rally at protestang isinagawa sa mga kalsada.
Kaugnay na Balita: Gloc 9, balak nang magretiro sa rap?