Nagbigay-linaw si Rovelyn Baterbonia tungkol sa paratang ng ilan na pinagkakakitaan umano niya ang yumao niyang anak na si Ateneo de Manila University basketball player Rene Clert "Bobet" Baterbonia.
Si Rene ang isa sa mga student-athlete ng Ateneo na nalunod sa isinagawang team building sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8, 2026.
Sa isang Facebook post ni Rovelyn kamakailan, sinabi niyang nagbebenta na raw sila ni Rene ng jersey kahit noong nabubuhay pa ito.
Aniya, “Gusto ko lang po ipaalam sa lahat po ng nagsasabing pinagkakaperahan ko ang anak ko, buhay pa po man siya nagbebenta na po kami ng jersey at kabilin-bilinan niya dati pa para may pandagdag sa gastusin ng aming pamilya.”
“At may pera man po kami di po ako nanghingi at kusa naman po nagbigay ang mga tumulong sa amin,” dugtong pa ni Rovelyn.
Bukod dito, sinabi rin ng nanay ni Rene na wala raw siyang kinalaman sa mga mapagsamantalang humihingi ng pera kung kani-kanino gamit ang pangalan ng kaniyang anak.
“Paki-send n’yo sa akin ang mga transaction number at ipapa-trace ko po. Kamag-anak ko man o mga vlogger na naghihingi sa inyo, ako po mismo ang magsasampa ng reklamo,” saad ni Rovelyn.
Sa huli, iginiit ni Rovelyn na hindi raw pera ang kailangan niya kundi hustisya para sa nasawi niyang anak.
Matatandaang dumulog na ang pamilya ni Rovelyn sa lokal na pamahalaan ng Talacogon, Agusan del Sur upang makiusap sa publiko, na iwasang gumawa ng vlog o pahayag na puwedeng makapagbigay ng impresyon para manghingi ng pinansyal na tulong.
Maki-Balita: LGU, umapelang iwasan ‘panggagatas’ umano kay Rene Baterbonia