Tila hindi na nakapagtimpi pa ang Letran Knights player na si Chad Gammad sa mga paninira ng netizens sa relasyon nila ni courtside reporter Apple David.
Sa isang Facebook post ni Chad kamakailan, ibinahagi niya ang larawan nila ni Apple kalakip ang caption na “gf day.”
Kung ano-anong masasamang hanash ang mababasa sa comment section ng post. Anila, late na raw ang bati ni Chad dahil lampas na raw ang Mother's Day.
Sey tuloy ni Chad, “Mag-isip-isip naman kayo bago kayo mag-comment o baka may sira talaga sa utak n’yo?”
“Wala namang ginawang masama si Apple sa inyo, ba’t gano’n kayo kabilis mag-bash, ta’s sabihin n’yo na naman na si Apple ang nag-comment nito,” dugtong pa ng bagets.
Matatandaang kamakailan lang ay inokray din ng netizens ang larawan ni Chad na kuha sa loob ng sinehan matapos nilang manood ni Apple ng “Spider-Man: Brand New Day.”
Nag-umpisang maging kontrobersiyal ang relasyon ng dalawa matapos ibahagi ni Apple sa social media ang larawan nila ni Chad nang hindi hagip ang mukha nito.
Si Apple kasi ay 33 years old na, habang si Chad ay 18 years old.
Inulan pa siyang lalo ng batikos nang palabasin niyang tila wala naman umanong masama sa relasyon nila.
Humingi naman na ng dispensa si Apple sa mga nasaktan sa namumuong ugnayan sa pagitan nila ni Chad, ngunit patuloy pa rin siyang binabakbakan.
Maki-Balita: Apple David, biniro: 'Aunt May' daw ni Chad Gammad