Isinusulong ni Sen. Risa Hontiveros ang isang Senate inquiry upang masusing suriin ang posibleng economic at socioeconomic impact ng Pax Silica, ang planong industrial hub na itatayo sa New Clark City, Tarlac.
Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 563, hiniling ni Hontiveros sa naganap na sesyon sa Senado nitong Martes, Agosto 4, ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matiyak kung ang proyekto ay tunay na makabubuti sa ekonomiya ng bansa at hindi magdudulot ng mas malaking panganib sa mga komunidad, kalikasan, at pambansang seguridad.
Ayon sa resolusyon, kinakailangang magkaroon ng masusing pagsusuri sa magiging epekto ng Pax Silica sa antas ng komunidad, rehiyon, at buong bansa, gayundin sa lahat ng kaakibat nitong proyekto.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang isang napakalaking foreign direct investment ay hindi dapat husgahan batay lamang sa laki ng ipinapasok na kapital.
"Foreign direct investment of the magnitude contemplated warrants evaluation not upon its headline value alone but upon whether it constitutes capital with purpose… in the ecological, employment, digital security, and sovereignty dimensions alike."
Ano ang Pax Silica?
Batay sa mga ulat, ang Pax Silica ay isang planong 1,600 hanggang 1,620-ektaryang Economic Security Zone sa loob ng New Clark City na layong maging sentro ng artificial intelligence (AI), semiconductor manufacturing, data centers, advanced computing, at iba pang high-technology industries.
Bahagi ito ng mas malawak na Luzon Economic Corridor na sinusuportahan ng Pilipinas at ng Estados Unidos upang palakasin ang global semiconductor supply chain at makahikayat ng malalaking dayuhang pamumuhunan.
Bagama't sinasabi at inaasahang lilikha ito ng libo-libong trabaho at magpapalakas sa ekonomiya, naging sentro rin ito ng kontrobersiya matapos magbabala ang ilang grupo at personalidad na maaari itong magresulta sa relokasyon ng mga residente at magsasaka, pagkawala ng lupang agrikultural, at iba pang posibleng epekto sa kapaligiran at pambansang soberanya.
Maki-Balita: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica