Naglabas ng panibagong pahayag ang social media personality na si Meiko Montefalco upang muling sagutin ang mga akusasyong may kinalaman umano siya sa pagkawala ng kaniyang estranged husband na si Patrick Bernardino, na patuloy na hinahanap ng pamilya nito.
Sa kaniyang latest Facebook post nitong Martes, Agosto 4, niliaw ni Meiko na ito na ang huling pagkakataong magsasalita siya tungkol sa isyu dahil ayaw na niyang lalo pa itong pag-usapan ng publiko.
Iginiit niyang buhay si Patrick at kasalukuyang nasa isang pinagkakatiwalaang rehabilitation center upang sumailalim sa gamutan.
"This will be the last time I am addressing this issue dahil ayoko nang pagpiyestahan pa to ng mga tao," saad niya.
"Patrick is very much alive and he is in a trusted rehabilitation center for his betterment. As a mother, I wish for him to one day face our kids as a better man and a father far from how he was before. Ayokong humarap sya sa mga anak namin na ganoon pa din syang klase nang tao," aniya.
Ayon kay Meiko, naipakita na niya sa pamilya ni Patrick ang lahat ng hinihinging ebidensya, kabilang ang patunay na naka-admit ito sa rehabilitation center, pruwebang buhay pa, mga resulta ng pagsusuri, at iba pang dokumentong nagpapaliwanag kung bakit kailangan nitong magpagamot.
Gayunman, sinabi niyang hindi niya maaaring ibunyag ang iba pang detalye dahil nakatali siya sa isang confidentiality agreement na layong maprotektahan ang proseso ng rehabilitasyon.
"I have provided his family enough proofs of his admission to rehab. Proof of life, assertions, positive tests. Mga rason kung bakit kailangan niyang magparehab."
"Lahat ng ebidensyang hiningi nila sa akin noon, pinakita ko. But for the other details, I am contractually bound NOT TO DISCLOSE. At alam din nila ang confidentiality agreement na 'yon dahil hindi pwedeng ma-disrupt ang rehab process niya," paliwanag pa.
Iginiit din ni Meiko na hindi maituturing na nawawala si Patrick dahil alam umano ng pamilya nito kung nasaan siya.
"Hindi yan nawawala dahil alam niyong nasa rehab," giit ng social media personality.
Sa kabila umano ng kaniyang pakikipag-ugnayan sa pamilya ni Patrick, sinabi niyang nagsampa pa rin ang mga ito ng kaso laban sa kaniya.
Ibinahagi rin niya ang hirap na kaniyang pinagdaanan bilang nag-iisang magulang ng kanilang mga anak.
"Napakasama ng loob ko. Noong kasagsagan na nawalanghiya ako at nawala ang lahat-lahat sa akin, pinili nilang kasuhan ako. Ako na lang ang natitira sa mga anak ko."
"Pero hindi man lang nila naisip na sa ginawa nilang 'yon, nakuhaan pa ako ng oras at panahon na para sana sa mga anak ko, pera pambayad sa mga abogado na para na lang sana sa mga anak ko, at kapayapaan na nawala pa lalo sa akin."
Ayon pa kay Meiko, tumigil na siyang makipag-ugnayan sa pamilya ni Patrick matapos niyang mapawalang-sala sa isinampang kaso laban sa kaniya, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Inilahad din niyang nakaranas siya ng matitinding paninira at panghuhusga.
"Pokpok. Palamunin. Kinuha ang pera sa bank account ni Patrick na wala namang laman. Ano pang ipaparatang niyo sa akin? Ano pa?"
Sa huli, nanawagan siya na tigilan na ang umano'y pagpapakalat ng maling impormasyon at binalaan ang sinumang magpapatuloy nito na handa siyang humarap sa korte.
"Ito ay usaping pamilya at legal. Kung ipagpapatuloy niyo ang pagpapakalat ng mga kasinungalingan at paninira, sa korte tayo magkita-kita. Hindi ako natatakot sa inyo dahil kakampi ko ang katotohanan."
Matatandaang nauna nang kumalat sa social media ang panawagan ng pamilya ni Patrick Bernardino na mahanap ito, kung saan inakusahan nila si Meiko na may alam umano sa kinaroroonan ng kanyang estranged husband.
Sa mga nauna niyang pahayag, mariin nang itinanggi ni Meiko na may kinalaman siya sa umano'y pagkawala ni Patrick at iginiit na hindi ito nawawala kundi sumasailalim sa rehabilitasyon.
Matatandaang nag-viral at matinding pinag-usapan ang pagsasapubliko ni Meiko sa naging umano'y pagtataksil laban sa kaniya ng mister, na umano'y may third party, noong 2025.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Patrick hinggil sa naging tugon ni Meiko.
Maki-Balita: Meiko Montefalco, pumalag sa paninisi tungkol sa umano'y pagkawala ni Patrick Bernardino