Tila masama pa rin ang loob ni Kapuso actor Kelvin Miranda sa taong naging dahilan ng pagpanaw ng erpat niyang si Patricio.
Matatandaang nasangkot sa vehicular accident ang ama ni Kelvin noong Abril matapos mabangga ng isang van ang motor nito.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” kamakailan, naurirat si Kelvin kung napatawad na ba niya ang driver na bumangga sa ama niya.
“Sa totoo lang, Mama Ogs, nabastusan po ako sa kanila. Hindi ko masabing hindi ako marunong magpatawad,” saad ni Kelvin.
Ayon sa kaniya, nasa presinto pa lang daw siya napapansin na niya na tila hindi sinsero ang driver sa paghingi nito ng tawad.
“Kapapasok ko lang sa presinto, katatapos lang ng nangyari, ng insidente, pero ‘yong nakabunggo kasi sa erpat ko may edad na rin. So may galang pa rin naman akong makipag-usap, kaya lang parang habang nagsasalita siya…medyo wala siyang sympathy,” dugtong pa niya.
Kaya naman hindi rin itinanggi ni Kelvin na umiral daw nang bahagya ang pagiging action star niya. Lahat umano ng puwedeng maisip sa isang tao ay sumagi sa utak niya noong mga oras na kaharap niya ang driver.
Aniya, “Puwede kong gawin lahat ng gusto kong gawin sa kaniya noong mga oras na ‘yon, lalo na’t pumintig ang tenga ko sa kabastusan niyang sumagot.”
Pero buti na lang daw at bumalik sa isip niya ang kaniyang ama na laging nagpapaalala na huwag mauuna at maging defensive lang palagi.
Kaya kinalma na lang daw niya ang sarili at nagdasal na sana ay makamit nila ang hustisya.
Sa kasalukuyan, nasampahan na ng kaso ang driver na nakabangga sa tatay ni Kelvin.
Maki-Balita: Kelvin Miranda sa pagpanaw ng erpat: 'Wala pa akong napapatunayan sa 'yo'