Naglabas ng pahayag ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) matapos linawin ng Department of Education ang tungkol sa naunsiyaming pamamahagi ng laptop sa mga pampublikong guro sang-ayon sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa ikaapat nitong State of the Nation Address (SONA) noon pang 2025.
Matatandaang sa inilabas na pahayag ng DepEd noong Linggo, Agosto 2, sinabi nilang inuna lang daw muna ang pamamahagi ng mga lapel ngunit malapit na umanong matapos ang procurement ng teacher laptops.
Maki-Balita: DepEd, isusunod nang ibigay ang laptop
Kinilala naman ng TDC ang paglilinaw na ito ng ahensya. Ngunit sa latest Facebook post ng grupo nitong Lunes, Agosto 3, “hindi nito mabubura ang pagkadismaya ng mga guro na umasa sa pangako [ng Pangulo].”
Malinaw umanong sinabi ni Marcos, Jr. noon na "nagdaratingan na ang mga laptop na laan para sa bawat guro sa public school."
Kaya sabi ng TDC, kahit dumating pa ang 250,000 laptop na sinasabi ng DepEd, hindi raw ito sapat sa halos isang milyong guro na nagtuturo sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Sa kabila nito, nilinaw ng grupo na hindi naman daw sila tutol sa lapel na ibinigay ng DepEd. Ngunit hindi raw ito puwedeng maging pamalit sa laptop na siyang higit na kailangan umano ng mga guro sa trabaho.