August 02, 2026

Home SPORTS

Pacman dedma sa kuda ni Mayweather; nanindigang pang ‘pro fight’ bakbakan nila!

Pacman dedma sa kuda ni Mayweather; nanindigang pang ‘pro fight’ bakbakan nila!
Photo couretsy: via AP News

Nanatiling determinado si boxing legend Manny Pacquiao na matutuloy ang kaniyang inaabangang rematch laban kay Floyd Mayweather Jr., sa kabila ng pagpapaliban ng kanilang laban na una sanang itinakda ngayong taon.

Sa press briefing ng Maharlika Pilipinas Pickleball Tour noong Hulyo 31, sinabi ni Pacquiao na itinulak sa unang bahagi ng 2027 ang laban dahil sa naunang mga nakatakdang commitment ni Mayweather, kabilang ang isang exhibition fight.

“Mayweather will have an exhibition [fight]... but our match next year will be a pro fight,” ani Pacquiao.

Nilinaw rin ng walong dibisyong world champion na ang kanilang muling paghaharap ay magiging isang opisyal na professional boxing match at hindi exhibition bout.

Nauna nang inihayag ng kampo ni Pacquiao na nagsisikap silang makapag-ayos ng isang non-professional fight para sa dating senador bago matapos ang taon. 

'Ayaw ko yung may hokus-pokus!' Pacman, tinalakan 'bentahan ng laro' sa liga niya

Gayunman, iginiit ni Pacquiao na ang laban nila ni Mayweather ay mananatiling isang lehitimong propesyonal na bakbakan.

Huling lumaban si Pacquiao bilang propesyonal noong Hulyo 19, 2025, nang magtapos sa draw ang kaniyang laban kontra WBC welterweight champion na si Mario Barrios sa Las Vegas.

Samantala, ang matagal nang inaabangang rematch nina Pacquiao at Mayweather, na una sanang susuportahan ng streaming platform na Netflix, ay naantala matapos masangkot si Mayweather sa isang breach-of-contract lawsuit na isinampa ng CSI Sports Events.

Matatandaang nauna na ring umugong ang panig ni Mayweather na nagsasabing tanging exhibition match-up lang daw ang muli nilang paghaharap ni Pacman.

MAKI-BALITA: Rematch ng tapatang Pacman-Mayweather, 'di na matutuloy?