Nagbigay ng reaksiyon si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas sa pagpayag na makapagpiyansa ang mga matataas na opisyal ng gobyerno sa kabila ng pangungurakot at pagtataksil ng mga ito sa tiwala ng taumbayan.
Sa latest Facebook post ni Villegas nitong Linggo, Agosto 2, sinabi niyang tila pinapatunayan ng latest development ng mga kaso ng korupsiyon sa Pilipinas na maaaring makalusot ang isang tao sa pananagutan basta mataas at makapangyarihan.
“Ngayong namimilipit ang buong bansa sa tindi ng perang nawawala sa atin dahil sa mga morally bankrupt na leaders, natatakot kami na itong latest development sa mga kaso nila ay nagpapatunay lang sa worst fears ng publiko: na kapag high and mighty ka, pwede kang makalusot sa mabibigat na krimen at matakasan ang accountability,” saad ni Villegas.
Dagdag pa niya, “True naman na hindi ibig sabihin na abswelto na sila kapag pinayagang mag-bail. Pero ang alam kasi natin, pwedeng mag-bail kapag ang evidence of guilt ay hindi strong o compelling.”
Kaya hindi naiwasang itanong ng arsobispo kung hudyat ba ito na hayaan na lang ba ng korte na mapawalang-sala ang mga akusado.
“Hindi naman namin hinihingi na parusahan sila nang walang sapat na evidence para ma-convict,” dugtong pa ni Villegas. “Pero sa hirap ng panahon ngayon, hindi rin naman pwedeng takasan ng public servants ang accountability matapos nilang i-betray ang tiwala ng tao at magpayaman gamit ang power ng office nila.”
Bagama’t walang binanggit na pangalan kung sino ang pinatutungkulan ni Villegas, matatandaang pinahintulutan ng Sandiganbayan Third Division noong Hulyo 3 si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. na makapagpiyansa.
Ito ay dahil sa kinahaharap niyang kasong malversation na may kaugnayan sa umano'y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon.
Itinakda ng hukuman ang piyansa ni Revilla sa ₱1 milyon para sa kasong malversation.
KAUGNAY NA BALITA: Bong Revilla, nagbitaw ng ₱1M para pansamantalang makalaya!