Nagbigay ng update ang aktor at TV host na si Anjo Yllana tungkol sa kinakaharap niyang kaso na isinampa ng TVJ Productions Inc. laban sa kaniya.
Kaugnay ito ng umano'y mga mapanirang pahayag ni Anjo sa social media na nakaaapekto sa reputasyon ng noontime show na "Eat Bulaga."
Batay sa dokumentong inilabas ng TVJ Productions at mga ulat ng media, naglabas ang korte ng desisyon na nagbibigay ng permanent injunction laban kay Anjo, na ang buong pangalan ay "Andres Jose Garchitorena Yllana Jr."
Sa naturang desisyon, kinilala ng hukuman na may karapatan ang TVJ Productions, bilang producer ng "Eat Bulaga," na maprotektahan ang pangalan, goodwill at reputasyon ng programa.
At sa panayam nga ng entertainment press kamakailan, sinabi ni Anjo ang halaga ng naiipon niya bilang danyos sa kaniyang ginawa.
“Naka-twenty thousand na ako na ipon,” saad ni Anjo. “Nasa ano na siya seriously, nasa appeal na kasi. Court of Appeals, sa Supreme Court appeal. Sa tingin ko, ha. “
“Pero sabi ko nga, proud naman ako dahil ang value ko pala ay ₱3.5M. Joke lang ‘yon, ha,” dugtong pa niya.
Samantala, aminado naman si Anjo sa pagkakamaling nagawa.
Aniya, “I learned from my mistakes. The important thing is that I realized what I did was wrong.”
Matatandaang kamakailan lang ay namomroblema pa si Anjo kung saan huhugot ng ibabayad na danyos sa TVJ.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Hulyo 5, iniulat ni showbiz insider Ogie Diaz ang sinabi ni Anjo matapos umano niyang makausap ang huli tungkol sa naturang kaso.
“Sinabi nito, honestly, hindi niya alam ang kaniyang next move. Pero ‘yong mabayaran ‘yong ₱3.5 milyong bilang damages, hindi rin niya alam kung saan hahagilapin,” anang showbiz insider.
Sa kasalukuyan, hindi pa raw personal na nakakausap ni Anjo ang mga dating co-host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Pero umaasa raw siyang magkikita-kita sila sa korte para kumaway at humingi ng dispensa sa mga ito.
Maki-Balita: Anjo, ‘di alam kung saan huhugot ng ₱3.5M danyos sa TVJ