July 20, 2026

Home SHOWBIZ

Anjo, ‘di alam kung saan huhugot ng ₱3.5M danyos sa TVJ

Anjo, ‘di alam kung saan huhugot ng ₱3.5M danyos sa TVJ
Photo Courtesy: via MB, TVJ (FB)

Tila namomroblema ngayon ang aktor at TV host na si Anjo Yllana matapos paboran ng korte ang TVJ Productions Inc. sa kasong isinampa nito laban sa kaniya.

Kaugnay ito ng umano'y mga mapanirang pahayag ni Anjo sa social media na nakaaapekto sa reputasyon ng noontime show na "Eat Bulaga."

Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Linggo, Hulyo 5, iniulat ni showbiz insider Ogie Diaz ang sinabi ni Anjo matapos umano niyang makausap ang huli tungkol sa naturang kaso.

“Sinabi nitong honestly, hindi niya alam ang kaniyang next move. Pero ‘yong mabayaran ‘yong ₱3.5 milyong bilang damages, hindi rin niya alam kung saan hahagilapin,” saad ni Ogie.

Ayon sa paliwanag ni Atty. Regie Tongol, hindi umano madaling lusutan ang bayad-pinsalang hinihingi kay Anjo kahit pa ikatwiran nito ang kawalan ng pera. 

Tsika at Intriga

Joshua Garcia, iniintrigang 'DDS' dahil sa reposted video

Kung walang perang maibigay si Anjo, gagalaw ang inatasang sheriff para kumpiskahin ang mga ari-arian niya tulad ng mga kotse, painting, at iba pang mamamahaling gamit.

 

Gayundin, maaari umanong sulatan ng sheriff ang mga TV network at brand na nagpapasahod kay Anjo para ideresto sa korte ang talent fee nito.

Pero nakasaad din naman umano sa batas na may mga gamit na ligtas mula sa pagkumpiska gaya ng family home, ordinaryong damit, at sweldo sa nakaraang apat na buwan sakaling mapatunayan na ito nga ay pansuportang nakalaan para sa pamilya.

Iginiit din ni Atty. Regie na mangyayari lang umano ito kung pinal na ang desisyon ng korte. Ngunit habang umaapela pa si Anjo sa Court of Appeals sa loob ng 15 araw, hindi muna maglalabas ang korte ng writ of execution. Ibig sabihin, wala pa munang maniningil sa kaniya habang umaapela.

Matatandaang batay sa dokumentong inilabas ng TVJ Productions at mga ulat ng media, naglabas ang korte ng desisyon na nagbibigay ng permanent injunction laban kay Anjo, na ang buong pangalan ay "Andres Jose Garchitorena Yllana Jr."

Sa naturang desisyon, kinilala ng hukuman na may karapatan ang TVJ Productions, bilang producer ng "Eat Bulaga," na maprotektahan ang pangalan, goodwill at reputasyon ng programa.

Kaya naman ipinag-utos kay Anjo at sa sinomang nasa likod nito na ihinto ang paglalathala, pagbabahagi, pag-upload, pagpapakalat sa TikTok at sa iba pang social media platforms ng mga pahayag na maituturing mapaminsala sa TVJ Productions at sa "Eat Bulaga."

Maki-Balita: Anjo Yllana, olats sa kaso kontra TVJ; pinagmumulta ng ₱3.5M sa damages!