Pinaboran ng korte ang TVJ Productions Inc. sa kasong isinampa nito laban sa aktor at TV host na si Anjo Yllana kaugnay ng umano'y mga mapanirang pahayag nito sa social media na nakaaapekto sa reputasyon ng noontime show na "Eat Bulaga."
Batay sa dokumentong inilabas ng TVJ Productions at mga ulat ng media, naglabas ang korte ng desisyon na naggagawad ng permanent injunction laban kay Anjo, na ang buong pangalan ay "Andres Jose Garchitorena Yllana Jr."
Sa desisyon, kinilala ng hukuman na may karapatan ang TVJ Productions, bilang producer ng "Eat Bulaga," na maprotektahan ang pangalan, goodwill at reputasyon ng programa.
Dahil dito, ipinag-utos na pigilan si Yllana at sinumang kumikilos para sa kaniya sa paglalathala, pagbabahagi, pag-upload, o pagpapakalat sa TikTok, TikTok Live at iba pang social media platforms ng mga pahayag na maituturing na mapanira sa TVJ Productions at sa "Eat Bulaga."
Bukod sa injunction, inatasan din ng korte si Yllana na magbayad ng kabuuang ₱3.5 milyon sa TVJ Productions.
Kabilang dito ang ₱1 milyon bilang temperate damages para sa umano'y hindi masukat na pinsalang komersyal sa brand equity ng kumpanya, ₱1 milyon bilang moral damages, at ₱1 milyon bilang exemplary damages.
Pinagbabayad din siya ng ₱500,000 para sa attorney's fees at gastos sa paglilitis.
Ayon pa sa desisyon, magkakaroon ng anim na porsiyentong taunang interes ang mga ipinataw na monetary award mula sa oras na maging pinal ang hatol hanggang sa tuluyang mabayaran.
Samantala, nagpahayag ng kasiyahan ang TVJ Productions sa naging pasya ng hukuman.
Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi nilang nagsisilbing pagpapatunay ang desisyon sa integridad ng "Eat Bulaga," ng mga host nito, at ng pamunuan ng programa.
Iginiit din ng kompanya na nagsisilbing babala ang naturang desisyon laban sa walang-ingat na paggamit ng social media upang sirain ang karapatan at reputasyon ng ibang tao o organisasyon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Anjo Yllana kaugnay sa naging desisyon ng korte.
Maki-Balita: 'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto