Kinuwestiyon ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa isang rally sa The Hague, Netherlands, kung saan sinabi umano niyang madali lamang umanong makapag-hire ng gunman sa Pilipinas sa halagang ₱5,000.
Ayon kay Ridon, hindi ito ang unang pagkakataon na binanggit ng Bise Presidente ang usapin tungkol sa pagkontrata ng isang mamamatay-tao, kaya't muli niyang inusisa ang konteksto ng naturang pahayag.
"Yun na naman po ang pinag-usapan niya muli, yung contracting a killer for ₱5,000. Ang tanong na ibinabato sa kaniya ay, ito ba ang presyong ibinigay ng ating Pangalawang Pangulo noong magbanta siya laban sa pangulo at sa kaniyang pamilya?" ani Ridon.
Dagdag pa ng mambabatas, nananatiling bahagi ng pampublikong record ang mga alegasyon kaugnay ng extrajudicial killings at gun violence na iniuugnay sa administrasyon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Speaking entirely on gun violence and EJKs, very documented po ang laman ng reklamo laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte,” anang mambabatas.
Ang naging pahayag ni Duterte sa The Hague ay may kaugnayan sa usapin ng mga pangalan na umano'y kabilang sa listahan ng mga biktima ng war on drugs.
Ayon sa Bise Presidente, hindi umano tiyak kung ang lahat ng pangalang nasa naturang talaan ay tunay na mga biktima ng kampanya kontra ilegal na droga dahil sa kalakaran umano ng mga gunmen sa bansa.
“I have a husband. My husband has a mistress. I can hire a gunman for ₱5,000 to kill the mistress. That is how — for ₱5,000, that is how bad gun violence in the Philippines is,” paghahalimbawa ni VP Sara.
Hirit pa niya, “And that is, again, yes, EJK. So how can you say that all your listed victims, all your listed complainants are supposed victims of the drug war?”
MAKI-BALITA: VP Sara, tumiradang ₱5k lang mag-hire ng gunman sa Pilipinas!