Tumangging magkomento ang Malacañang hinggil sa “no comment” remark ni Vice President Sara Duterte sa isyu ng Pax Silica sa isang panayam nito sa The Hague, Netherlands kamakailan.
Matatandaang hindi nagkomento ang Pangalawang Pangulo nang matanong kaugnay sa Pax Silica, at tila wala itong ideya sa nasabing proyekto.
MAKI-BALITA: 'Fox Silica?' VP Sara, tiklop sa usapin ng Pax Silica-Balita
Sagot naman ng Palasyo, hayaan na lamang daw ito.
“I have no comment,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hulyo 30.
“Nakita naman natin sa video, so, ano pa ba ang kailangang i-explain? So, hayaan na lang po natin,” mariing sagot niya pa nang matanong kung bakit wala siyang komento patungkol dito.
Sumagot din ang press officer hinggil sa mga panawagang ipatigil na ang proyektong Pax Silica, dahil umano sa banta nito sa suplay ng tubig, kuryente, at iba pa.
“Actually, kaya nga po ito ay inihahayag ng ating pamahalaan patungkol sa Pax Silica dahil kung sinuman po ‘yong ibang mayroong isyu patungkol sa diumanong magiging problema sa suplay ng tubig, sa suplay ng kuryente, lahat po ito ay isinasaalang-alang ng pamahalaan,” anang press officer.
“May chance po na mabago ang ibang mga provisions. Kung ano po ‘yong maaari pang mas maging maganda ang idulot sa ating mga kababayan, sa bansang Pilipinas, and of course sa mga partners, ‘yon naman po ay isasaalang-alang,” ani Usec. Castro nang matanong kung maaari pa bang mapigilan ang naturang proyekto.