Naghain ng ethics complaint laban kay Senator-Judge Pia Cayetano ang isang grupo ng women's rights advocates, academics, at feminists dahil sa umano'y pagpo-post nito ng isang spliced o inedit na video habang nagsisilbi bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa reklamong inihain sa Senate Committee on Ethics and Privileges, hiniling ng mga nagrereklamo kay Ethics Committee Chair Sen. Vicente "Tito" Sotto III na imbestigahan si Cayetano kaugnay ng naturang social media post.
Ayon sa coalition, ibinahagi umano ni Cayetano ang isang edited video na nagbigay ng maling impresyon na inamin ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno na isinusulong ang impeachment case laban kay VP Sara kahit wala umanong ebidensya.
Iginiit ng mga complainant na ang naturang post ay ginawa habang si Cayetano ay nagsisilbing senator-judge sa impeachment trial, kaya't inaasahan umanong mananatili siyang patas at iiwas sa mga kilos na maaaring magdulot ng pagdududa sa kaniyang pagiging walang kinikilingan.
Naniniwala rin ang grupo na ang umano'y pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makasama sa integridad ng impeachment proceedings at sa tiwala ng publiko sa Senado bilang impeachment court.
Matatandaang nauna nang naglabas ng kaniyang pahayag si Diokno kaugnay sa ibinahaging post ni Cayetano.
“With all due respect to the Senator-Judge at para hindi maligaw ang publiko, ito po ang konteksto at kumpleto na sinabi ko: ‘(Ang fishing expedition) ay maaaring sabihin nating nangyari kung only if the party requesting the evidence or documents ay nagbabakasakali lang, baka may makuha tayo dito,” ani Diokno.
“Linawin ko po: Hindi tayo nagbabakasakali lang. May probable cause o sapat na dahilan na nakita sa mga record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa bilyun-bilyong dumaan sa accounts ng VP at kaniyang asawa," paliwanag pa ng Akbayan rep. at House prosecutor.
Maki-Balita: Rep. Diokno, kumuda sa ‘spliced video’ na ibinala sa kaniya ni Sen. Pia!
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Sen. Cayetano kaugnay ng isinampang ethics complaint laban sa kaniya.